NOONG nakaraang taon, naging kontrobersiya ang Chocolate Hills dahil nilagyan ng mga cottages at resort ang paanan ng mga pamosong bulubundukin. Ngayon ay iba namang tanawin ang makikita sa Bohol— isang backhoe na sumisira sa corals at bato sa shoreline sa Barangay Virgen, Anda. Nag-o-operate ang backhoe sa mababaw na bahagi ng dagat sa harap ng isang beach resort at nasisira ang corals at natural rock formations doon.
Wala umanong permit ang sinasabing paghuhukay ng heavy equipment sa lugar at tahasang paglabag sa national environmental laws. Ang paghuhukay ang naging daan para manawagan ang mga residente at environmentalists sa Department of Environment at Natural Resources (DENR) at sa local government units (LGUs) ng Bohol para magsagawa ng agarang pag-iimbestiga.
Ayon kay Bohol local environmental activist Atty. Makdo Castañares ang ginagawang pagsira sa corals at pagwasak sa coastline sa Barangay Virgen, Anda ay hindi lamang illegal na gawain kundi napaka-iresponsable. Sabi pa niya, nakita na ang galit ng mga tao nang salaulain ang Chocolate Hills at ngayon naman ay ang pagsira sa corals at mga bato ang ginagawa. Ilan pa raw bang likas na yaman ng bansa ang wawasakin bago mapanagot ang mga tumatampalasan. Kailangang maipatupad ang batas upang hindi na maulit ang mga nangyari.
Noong nakaraang Marso 2024, sinalaula ang Chocolate Hills na itinuring na mga Natural na Monumento makaraang gawing resort ang mga nasa bayan ng Carmen, Batuan at Sagbayan sa Bohol. May 1,776 na Chocolate Hills sa mga nasabing bayan. Unang nadiskubre ang ginawang resort sa Sagbayan na naging dahilan para magkaroon ng imbestigasyon sa Senado.
Itinayo ang Captain’s Peak Garden and Resort sa Sagbayan sa mismong paanan ng burol. Nilagyan ng cottages at iba pang istruktura na nakasira sa magandang tanawin ng Chocolate Hills. Ang Chocolate Hills ay dineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na isang protected area at world heritage site.
Natuklasan na hindi lamang pala Captain’s Peak ang tinayo sa Chocolate Hills kundi marami pa at mas sinalaula. May mga burol sa Sagbayan na tinapyas ang tuktok upang malagyan ng konkretong plataporma. May nilagyan ng mga hagdan-hagdang mga kahoy para makarating sa tuktok. Base sa pag-iinspeksiyon ng DENR may burol na hinati para mailagay ang mga istruktura.
Mula nang magkaroon ng imbestigasyon sa Senado, wala nang narinig pa kung tuluyan nang winasak ang resorts sa Chocolate Hills o nagpapatuloy pa. Ngayon ay ang mga corals at bato naman ang sinisira sa mga baybayin. Imbestigahan sana ito ng DENR bago maging huli ang lahat.
