EDITORYAL — Gisahin na ang 15 contractors at mga kasabwat na DPWH officials


Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

Nagbitiw na kahapon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan. Agad na tinanggap ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagbibitiw. Maraming nagulat dahil kasasabi lamang ni Bonoan na hindi siya magbibitiw sa puwesto. Hindi raw solusyon ang pagbibitiw sa kontrobersiyang bumabalot sa kanyang tanggapan. Mula nang umalingasaw ang kabulukan sa DPWH na unang siniwalat ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Hulyo 28, 2025, na pinasaringan pa ng Presidente na “mahiya naman kayo”, marami nang humiling na sibakin na si Bonoan. Pati mga senador ay nagkakaisang dapat lisanin na ni Bonoan ang puwesto. Pero “kapit-tuko” pa rin si Bonoan kahit harap-harapan na ang nangyayaring anomalya sa DPWH. Pinaka-kontrobersiya ang bilyong pondo para sa flood control projects na nakopo ng 15 kompanya.

Pinangalanan ni Marcos ang 15 kompanya: Legacy Cons­truction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Deve­lopment Corporation, St. Timothy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Top­notch Catalyst Builders Incorporated, Centerways Construction and Development Incorporated, Sunwest Incorporated, Hi-Tone Construction & Development Corporation, Triple 8 Construction & Supply Incorporated, Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corporation, Wawao Builders, MG Samidan Construction, L.R. Tiqui Builders Incorporated, at Road Edge Trading & Development Services.

Ayon sa Presidente, ang Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation, EGB Cons­truction Corporation at Road Edge Trading & Development Services, ang may pinakamaraming flood control projects na nakuha. Halos lahat umano ng rehiyon sa bansa ay nakuha ng mga nabanggit na kompanya. Bilyun-bilyong piso ang tinamasa ng mga may-ari ng kompanya.

Kasabay sa pagbibitiw ni Bonoan, mainit na sinisigaw ngayon na simulan na ang pag-iimbestiga sa mga kompanyang nakakopo ng bilyong pisong kontrata sa DPWH. At siyempre kasama ring gigisahin ang mga tiwaling opisyal at district engineers ng DPWH. Kapag hindi pa sinimulan ang pag-iimbestiga, baka mauwi sa wala ang lahat. Maaring sa mga oras na ito, nag-iisip nang lumabas ng bansa ang mga may-ari ng kompanyang sangkot sa ghost flood control projects.

Bilisan ng Kongreso at Senado ang paggiling sa mga nagpapahirap sa bayan. Habang marami ang lubog sa baha at mistulang mga daga na hindi malaman kung saan susuling, marami naman sa contrators at sukab na DPWH officials ang nakahiga sa kayamanan na nagmula sa buwis ng mamamayan.