EDITORYAL — Ilantad na ang SALN


Pilipino Star Ngayon

October 28, 2025 | 12:00am

APAT na senador na ang naglantad ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Unang nagpakita si Sen. Risa Hontiveros, ng kanyang SALN NA nagkakahalaga ng P19 milyon. Sumunod si Sen. Robin Padilla na may net worth na P244 milyon. Ikatlong naglantad si Senate President Vicente Sotto na may ari-ariang nagkakahalaga ng P188.9 milyon at ikaapat si Sen. Sherwin Gatchalian, na may P89.5 milyon.

Bukod sa mga senador, may mga kongresista rin mula sa party-list ang naghain na ng kanilang SALN. Sila ay sina: ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kaba­taan Rep. Renee Co, Gabriela Rep. Sarah Elago, Akbayan Reps. Perci Cendaña, Chel Diokno, Dadah Ismula, at Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao.

Hindi pa nasusundan ang apat na senador at pitong kongresista na naghain ng SALN.

Ano pa kaya ang hinihintay ng ibang mga senador at mambabatas at hindi isinasapubliko ang kani-kani­lang SALN? Mahirap bang ipasilip ang kanilang kaya­manan? Masyado kayang malaki at kuwestiyunable?

Nagdulot naman ng kalituhan ang sinabi kamaka­lawa ni Executive Sec. Lucas Bersamin na hindi nila basta-basta ilalabas ang SALN ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang seguridad. Subalit nilinaw ni Palace­ Press Officer Usec. Claire Castro na isasapubliko nila ang SALN ng Presidente alinsunod sa inilabas na ka­utusan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Nararapat naman na ilantad sa publiko ang SALN ng Presidente para maging halimbawa sa iba pang opisyal ng pamahalaan. Ang SALN ang mabisang sandata laban sa korapsiyon. Kung ang pagsasapubliko ng SALN ay ipinatupad sana noong 2016, maaring hindi naging garapal ang anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngayon, maraming DPWH officials at private contractors ang iniimbestigahan sa anomalya na umabot na sa bilyun-bilyong piso ang nadambong.

Ipinatigil ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pagsasapubliko ng SALN at pati ang pag-lifestyle check sa public officials. Hindi na raw kailangan ang lifestyle check dahil sa maling probisyon sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards­ for Public Officials and Employees). Itinalaga ni dating­ Pres. Rodrigo Duterte si Martires noong Hulyo 2018, at mula noon, itinigil na nito ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno.

Sa pag-upo kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nabago ang kautusan at maaari nang masilip ng publiko ang SALN.

Ang hinihintay ngayon ng mamamayan ay ang pag­sunod ng iba pang opisyal sa paghahain ng kanilang SALN. Ilantad na ito sa publiko.