Pilipino Star Ngayon
October 18, 2025 | 12:00am
KAHAPON, muling nagsagawa ng protest rally ang mga estudyante at nananawagan sa pamahalaan na madaliin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga lumustay sa pondo ng bayan at agarang ikulong ang mga ito. Bilisan anila ang pag-prosecute at nang maitapon na sa likod ng rehas ang mga sangkot.
Ang protest rally kahapon sa Mendiola ay patikim lamang daw sapagkat sa susunod na linggo ay may isasagawa pang protesta laban sa mga korap ang mga estudyante at ganundin ang iba pang cause-oriented groups. May binabalak ding rally ang transport group laban sa magnanakaw sa pamahalaan. Panawagan din nila na bilisan ang pagdinig sa kaso. Marami umano ang nababagalan sa usad ng imbestigasyon.
Sabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi aabutin ng isang taon at mayroon nang mako-convict sa anomalya ng flood control projects. Kapag daw pinayagan ang tuluy-tuloy na pagdinig sa kaso ng mga inaakusahan, matatapos agad ang trial at mahahatulan na ang mga akusado. Ayon kay Remulla, ang lima hanggang pitong court hearings ay sapat na para matapos ang trial. Puwede raw tapusin sa loob ng isang buwan kung tuluy-tuloy ang paglilitis. Ito raw ang gusto niyang mangyari—ang mabilis na paglilitis upang malaman ang katotohanan.
Ito ang gustong marinig ng mamamayan na punumpuno na sa kaliwa’t kanang korapsiyon sa pamahalaan. Ang anomalya sa flood control projects na pinagkakitaan ng private contractors, DPWH officials, mga senador at kongresista ay nagpababa sa pagtingin ng ibang bansa sa Pilipinas. Ayon sa report, nagdadalawang-isip na ang mga pinuno ng ibang bansa na magbigay ng financial aid sa pangambang nanakawin lamang ito.
Nararapat ipakita ng pamahalaan na maparurusahan ang mga inaakusahang nakinabang sa pondo ng bayan. Nararapat na mayroong mabulok sa likod ng rehas. Hindi sapat na maisauli ang ninakaw na bilyong piso, dapat ding magdusa sila sa bilangguan.
Ang inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon kamakalawa na inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang mga kasong isasampa sa Sandiganbayan laban sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, ay nagbibigay ng pag-asa na mayroong mapaparusahan sa maanomalyang flood control projects. Ayon kay Dizon, maaaring maihain ang kaso sa mga Discaya sa mga susunod na linggo. Non-bailable ang ihahaing kaso sa mga Discaya.
Naghihintay ang mamamayan sa gagawing pagsasampa ng kaso hindi lamang sa mga Discaya kundi sa iba pang nagpasasa sa pera ng taumbayan. Matatahimik lamang ang taumbayan kapag may nakita nang naipasok sa kulungan.
