Pilipino Star Ngayon
November 17, 2025 | 12:00am
MAKARAANG sabihin ni President Ferdinand Marcos Jr. kamakailan na kakanselahin na ang passport ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nananatiling nasa hindi pinangalanang bansa, biglang lumutang ang video ng inaakusahang kongresista at “ikinanta” ang kanyang mga nalalaman.
Sa unang bahagi ng video, sinabi ni Co na sina President Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng P100 bilyong insertions sa 2025 budget. Ginamit lamang umano siya ng dalawa. Ang mga ito rin umano ang nagpayo na manatili siya sa ibang bansa.
Sa ikalawang bahagi ng video, mas matindi na ang mga ibinunyag ni Co. Sinabi nito na siya mismo ang nagdala ng male-maletang pera kay PBBM at Romualdez sa mga bahay nito sa Forbes Park at nagdala rin siya hanggang Malacañang. Siya raw at kanyang mga tauhan at security ang nag-deliver at ang mga deliveries ay merong record sa kanyang mga tao. Wala raw perang napunta sa kanya. Lahat nang insertion napunta raw kay PBBM.
Ipinakita rin ni Co ang video ng mga maleta na pinaglagyan umano ng perang idiniliber ng kanyang dating aide na si Orly Guteza sa Malacañang at Forbes Park. Totoo raw ang sinasabi ni Guteza.
Habang nag-aakusa si Co, nag-akusa rin naman si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo. Isinangkot niya ang mga bagong senador at dating senador na tumanggap ng kickback sa DPWH projects. Kabilang sa mga sinangkot niya sina Bong Revilla, Nancy Binay, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Zaldy Co, Mitch Cajayon-Uy, Rida Robes, Manuel Bonoan, at Cathy Cabral. Idinagdag niya si ex-Sen. Grace Poe, DepEd Secretary Sonny Angara, at incumbent senador Mark Villar.
Kaliwa’t kanang akusasyon ang nangyayari ngayon. Kanya-kanyang batuhan ng putik. Habang papalapit ang sinasabing may makukulong bago magpasko, panibagong pagtuturuan ang nagaganap. Akusa rito, akusa roon ang ginagawa at saan ito hahantong.
Hindi naman dapat balewalain ang akusasyon ni Co kay PBBM. Ang pinakamagandang magagawa ni Co ay umuwi ng bansa at dito niya ikanta ang lahat ng mga nalalaman. Kung pawang pag-aakusa ang kanyang gagawin, walang mangyayari at paulit-ulit lang ang senaryo. Walang mararating ang mga pag-aakusa at lalabas lang na umiiwas sa ginawang kasalanan.
Pagod na ang mamamayan at nagsasawa na sa mga nagaganap na korapsiyon. Gusto nilang mapanagot ang mga magnanakaw. Idadaan nila ito sa pamamagitan ng mga protesta. Hindi na mananahimik ang mamamayan.
