Pilipino Star Ngayon
October 7, 2025 | 12:00am
Ginunita kahapon ang World Teachers’ Day na may temang “Recasting teaching as a collaborative profession”. Binibigyang diin sa pagdiriwang ng Araw ng mga Guro ang mahalaga nilang ginagampanan sa pagtataguyod ng epektibo at inklusibong sistema ng edukasyon. Kinikilala ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod nang mahusay na edukasyon. Ang mga guro ang kinikilalang haligi ng edukasyon at inspirasyon ng mga kabataan.
Sa kabila ng mga hirap na dinaranas ng mga guro sa pagtuturo patuloy silang nagbibigay ng kaalaman sa mga estudyante. Sa kabila na maliit ang kanilang sahod patuloy silang nagtuturo at tinutupad ang sinumpaang tungkulin.
Kahanga-hanga ang mga guro na naglalakad ng ilang kilometro para makarating sa school na pinagtuturuan. Mayroong mga guro na kailangang tumawid ng ilog at sagasain ang rumaragasang agos para lamang makarating sa pinagtuturuang school at maturuan ang mga bata.
Kahanga-hanga ang mga guro na araw-araw ay sumasakay sa habal-habal na ang dinaraanan ay maputik at lubak-lubak na kalsada. Hindi alintana kung abutan man ng ulan habang naglalakbay. Ang kanilang tungkulin sa mga bata ang labis nilang pinahahalagahan. Ayaw nilang mag-absent sa pagtuturo sapagkat mabibigo ang kanilang mga estudyante. Gusto nilang magsilbing inspirasyon at magbigay ng halimbawa sa mga mag-aaral.
May mga guro sa liblib na lugar na para mahikayat ang kanyang mag-aaral na laging pumasok ay pinaghahanda ng pagkain ang mga ito. Hindi na baleng mabawasan ang kanyang karampot na suweldo, mapagkalooban lamang ang kanyang mga estudyante ng laman sa tiyan at isipan.
Mas mga bayani ang mga guro kaysa sa mga tiwaling opisyales at engineers ng Department of Public Works and Highways na inuubos ang milyones sa casino. Mas mahalagang hindi hamak ang mga guro kaysa sa mga corrupt na pulitiko na naghihintay ng kickback. Mas mga taong maituturing ang mga guro kaysa sa mga madadayang contractor na iniiwang nakatiwangwang ang flood control project.
Habang ang mga guro ay lumalaban ng parehas, marami namang nagpapasasa sa yaman ng bayan. Habang ang mga guro ay nagtitiis maglakad sa mabatong kalsada, wala namang pagsidlan at gusto pang dagdagan ng mga tiwali ang koleksiyon ng sasakyan, bags, relo, sapatos, alahas at iba pa.
Dapat magpakita ng tapang ang mga guro at tumindig sa mga nagpapahirap sa bayan. Labanan ang mga korap. Dapat silang mabulok sa bilangguan.
Sa Pilipinas, ipinagdiriwang ang National Teachers Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, bilang pagpapahalaga sa dedikasyon ng mga guro sa edukasyon.
Batay sa DepEd Memorandum DM 067, s. 2025, inaanyayahan ang lahat ng paaralan na magsagawa ng mga aktibidad bilang pasasalamat sa mga guro.
May panukalang batas din sa Kongreso na itaas ang World Teachers Day Incentive Benefit (WTDIB) mula ?1,000 tungo sa ?3,000 bilang dagdag na tulong at pagkilala sa kanilang serbisyo.
Ito ay paalala sa kahalagahan ng mga guro bilang haligi ng edukasyon at inspirasyon ng kabataan. Itinatampok nito ang mga hamon na kinahaharap nila — mula sa kakulangan ng pasahod hanggang sa kakulangan ng suporta sa mga pampublikong paaralan. Sa kabila nito, patuloy silang nagsisilbi nang buong puso upang matiyak ang kinabukasan ng bawat estudyante.
