Maraming rice vendors ang hindi sumusunod sa kautusan ng Department of Agriculture (DA) na ibaba sa P45 bawat kilo ng imported na bigas ayon sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP). Ang MSRP sa bigas ay ipinag-utos noong nakaraang buwan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel. Bukod sa bigas, itinakda rin ang MSRP sa karneng baboy na P350 bawat kilo.
Pero ang masaklap, nawalan ng saysay ang pagsisikap ni Tiu-Laurel na halos ilang buwan niyang pinlano at nakipag-usap pa nang masinsinan sa stakeholders na nangako naman sa kanya at nagkaroon ng kasunduan. Itinakda ang implementasyon ng MSRP noong Marso 31. Subalit isang malaking kabiguan para kay Tiu-Laurel at mamamayan ang nangyari sapagkat hanggang ngayon, maraming rice vendors at magkakarne ang hindi tumatalima sa kautusan. Binalewala ang kautusan ng Agriculture chief.
Maraming palengke sa Metro Manila na kinabibilangan ng Pritil at Trabajo Market sa Maynila; Cartimar Market sa Pasay, Muñoz Market sa Quezon City at Pasay City Market ang hindi sumusunod sa MSRP ng bigas at karne. Nananatiling P48 hanggang P50 ang kilo ng bigas samantalang ang karneng baboy ay P470 sa halip na P350. Nasa 60 porsiyento ng mga palengke sa Metro Manila ang hindi sumusunod sa MSRP. Sabi naman ng rice vendors, kung mataas ang kuha nila sa supplier, tataas din ang pagbebenta nila. Kung ganun, stakeholders ang dapat kasuhan ni Tiu-Laurel. Panagutin ang mga ito.
Kung ganitong hindi sinusunod si Tiu-Laurel ng rice stakeholders na nangako sa kanya, paano pa ang iba pang produkto na gaya ng bawang na balak ding lagyan ng MSRP. Wala rin palang aasahan ang mamamayan na makakabili ng murang bigas at karne. Lalo nang kawawa ang mga kakarampot ang kinikita na bigas lamang ay hindi pa kayang bumili.
Nang ibaba ni President Ferdinand Marcos Jr. ang taripa para sa imported na bigas, inasahang bababa ang presyo ng bigas at marami nang mahihirap ang makikinabang. Pero sa halip na bumaba, lalong tumaas ang presyo. Sa halip na makakain nang husto ang mga mahihirap, lalo pang nag-alboroto ang kumakalam na sikmura. Umasa rin kasi ang mahihirap sa pangako ni Marcos Jr. na ibababa sa P20 per kilo ng bigas. Pero ang pangako ay naging masamang bangungot. Hindi dapat umasa sa pangakong ginawa sa panahon ng kampanya.
Isang dapat gawin ni Tiu-Laurel ngayong sinusuway siya ng mga stakeholders ng bigas, ipatigil niya ang importasyon at ang aning palay ng mga lokal na magsasaka ang bilhin. Panahon ng anihan ngayon kaya nararapat na ang sariling ani naman ang maghari sa pamilihan. Bigyan ng pagkakataon ang mga lokal na magsasaka at itakwil pansamantala ang imported na bigas na ubod nang mahal.
