Pilipino Star Ngayon
October 9, 2025 | 12:00am
Balitang-balita ang nangyayaring corruption sa Pilipinas. Hindi na nalilingid sa mata nang marami ang laganap na katiwalian sa Pilipinas at nagdudulot ng pangamba sapagkat maaring mabawasan ang mga mamumuhunan sa bansa. Katatakutan ang pag-i-invest sa Pilipinas dahil sa laganap na katiwalian sa mga ahensiya ng pamahalaan. Sino ang mangangahas na maglagak ng kanilang pera sa bansang gaya ng Pilipinas na ang korapsiyon ay talamak nang parang kanser. Makikipagsapalaran ba sila sa bansang pati ang mga pulitiko ay nasasangkot sa katiwalian at pawang pag-kickback ang nasa isipan.
Ang Pilipinas ay nanatiling nasa ika-114 na puwesto sa 180 bansa sa mundo sa 2024 Corruption Perceptions Index (CPI). Sinusuri ng CPI ang public sector corruption na kinabibilangan ng bribery, diversion of public funds at ganundin ang mga opisyal sa pampublikong tanggapan na ginagamit ito para sa pansariling interes.
Noong 2014, nakuha ng Pilipinas ang mataas na score na 38. Kasama ng Pilipinas sa mga may mataas na ranggo sa CPI ang Belarus, Bosnia at Herzegovina, Laos, Mongolia, Panama, at Sierra Leone. Magkakapareho ang antas ng CPI.
Ngayong mainit na pinag-uusapan ang anomalya sa flood control project na hindi lamang mga private contractors, DPWH officials kundi pati mga senador, at congressmen ay sangkot, tiyak nang malulubog pa nang todo sa usaping korapsiyon ang kawawang Pilipinas.
Si President Ferdinand Marcos Jr. mismo ang nagbisto sa mga corrupt na DPWH officials na tumatabo ng pera sa flood control projects. Unang pinasaringan sa SONA noong Hulyo na “mahiya naman kayo!” Kasunod ay binuo niya ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) noong Setyembre 11 na binubuo ng retired Supreme Court Associate Justice, dating DPWH secretary at isang babaing opisyal ng SGV.
Layunin ng ICI na maimbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng anomalya sa flood control projects. Walang sasantuhin sa imbestigasyon, sabi ng Presidente. Walang kamag-anak, kaibigan o kapartido. Lahat mananagot sa batas. Isang buwan na ang nakararaan mula nang itatag ang ICI.
Maraming umaasa na magkakaroon nang magandang bunga ang pag-iimbestiga ng ICI. Mayroong makukulong at pagdurusahan nang matagal ang pagnanakaw sa pondo. Kapag walang nangyari sa pag-iimbestiga, hindi matatahimik ang taumbayan. Dadalhin sa kalye ang himutok at galit sa mga korap. At hindi ito maganda sa ekonomiya ng bansa. Lalayo ang investors sa bansang hindi maparusahan ang mga magnanakaw. Tiyakin na may hahantungan ang pag-iimbestiga.
