EDITORYAL — Ningas kugon na paghihigpit sa PUVs


KAKATWA ang mga pinatutupad na paghihigpit ng mga awtoridad sa public utility vehicles (PUVs)—higpit ngayon, luwag bukas. Kapag panahon na nagsisiuwian sa probinsiya ang mga tao para sa bakas­yon o paggunita sa mahalagang pagdiriwang, todo ang higpit sa mga bus terminal at maski sa mga seaport o airport. Nagkakaroon pa ng mga sorpresang drug tests sa mga drayber at konduktor. Iniinspeksiyon ang mga bus para makatiyak na hindi makararanas ng aberya sa pagbibiyahe.

Pero pagkaraan ng mga okasyon at hindi na nagdadagsaan sa bus terminal ang mga pasahero, balik sa dating gawi ang mga awtoridad. Wala nang pag-inspeksiyon sa mga bus, wala nang sorpresang drug testing sa mga drayber at konduktor, wala nang kung anu-anong mga rekisitos na gagawin bago makaalis sa terminal. Takbo na lang nang takbo ang mga bus. Ni hindi na inaalam kung inaantok ang bus driver ganundin ang konduktor. Hindi na rin tinitiyak kung may karelyebo ang drayber para sa mahabang biyahe.

Kung hindi sana ningas kugon ang mga awtoridad­ sa paghihigpit, maiiwasan ang malalagim na aksi­dente sa kalsada. Kung regular na naipatutupad ang paghihigpit, walang tutulug-tulog na drayber na nag­dadala ng kanyang mga pasahero sa hukay. Ang ma­tindi pa, dahil sa iresponsableng drayber, pati ang ibang matitinong motorista ay idinadamay.

Ganito ang nangyari sa malagim na aksidente sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) toll plaza no­ong Mayo 1, 2025. Nakatulog ang drayber ng Pan­ga­sinan Solid North Transit, Inc. (PSNTI) at inararo ang apat na sasakyan na nasa toll gate.

Sa lakas ng impact, na-sandwiched ng bus ang isang Nissan Urvan na may pasaherong dadalo sa religious gathering sa Pangasinan at isang kotse na lulan ang mag-asawa at kanilang dalawang taong gulang na anak na patungong Baguio. Walo ang namatay sa van at dalawa sa kotse. Nakaligtas ang baby na nasa kotse. Sinampahan na ng kaso ang drayber ng bus na tumangging magpa-drug test.

Sinuspende na ang kompanya ng bus ng 30-araw. Sasagutin umano ng bus company ang lahat nang gastos ng mga biktima. Inaasahan naman na magka­karoon nang paghihigpit dahil dito. Panibagong pag­hihigpit uli, Pagkalipas ng isa o dalawang buwan, balik uli sa dati.

Kapag nagkaroon muli ng trahedya, higpit uli. Ka­ilan mawawala ang ningas kugon na ugali?