Pilipino Star Ngayon
October 27, 2025 | 12:00am
Natuklasan na ang presyo ng mga construction materials na kinabibilangan ng bakal, semento, aspalto, at iba pa ay napakataas na umaabot sa 50 percent. Nakakakilabot na ang mga cat’s eye na inilalagay sa kalsada ay ubod ng mahal. Ang cat’s eye, ay ang mga reflective metal na ibinabaon sa gitna ng kalsada na kapag tinamaan ng ilaw ng sasakyan sa gabi ay nagliliwanag. Nabatid sa pag-iimbestiga na ang isang piraso ng cat’s eye ay nagkakahalaga lamang ng P1,800 per piraso subalit nadiskubre na P11,720 per piraso nang i-charge sa gobyerno. Lumalabas na 511.1 percent overpriced ang nasabing gamit sa kalsada. Nakita ang mga overpriced na cat’s eye sa mga kalsada patungong Baguio.
Dahil sa sobra-sobrang patong sa mga construction materials, ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. na ibaba ng 50 percent ang mga materyales para sa construction. Inatasan ni Marcos si DPWH Sec. Vince Dizon na ipatupad ito. Ayon sa Presidente, ang pagpapababa ng presyo ay upang matiyak na ang mga kontrata at proyekto ng ahensiya ay sumasalamin sa totoong presyo sa merkado. Sinabi ni Marcos, na mahalaga upang matiyak na ang salaping inilalabas ng pamahalaan ay napupunta sa tamang proyekto at hindi sa katiwalian. Ang pagbaba aniya sa presyo ng mga construction materials ay makakatipid ng P30 to P45 billion mula sa capital outlay ng DPWH. Ang perang matitipid umano ay gagamitin sa mga serbisyong makatutulong sa mga mamamayan gaya ng kalusugan, edukasyon, at pagkain. Determinado umano ang pamahalaan na ipagpatuloy ang kampanya laban sa korapsiyon.
Sana ang pagpapababa ng presyo ng construction materials ay makakatulong nang malaki para maiwasan ang korapsiyon. Hindi naman kaila na ang nangyaring korapsiyon sa DPWH ay nagbigay nang masamang imahe sa pamahalaan. Dahil sa korapsiyon sa DPWH, nag-iingat na ang mga investors na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Natatakot silang mabiktima ng mga buwaya at linta.
Ang pagpapababa ng halaga ng construction materials ay hindi rin naman sana maging dahilan para maging substandard ang mga proyekto. Tiyakin na hindi na mauulit ang mga proyekto ay hindi madaling masira o kaya ay bumagsak kagaya ng mga tulay.
Tiyakin sana sa pagkakataong ito na mahusay ang paggastos ng pondo ng bayan. Bilisan din naman ang pagpaparusa sa mga nangulimbat ng pondo. Ito ang inaasam ng mamamayan.
