EDITORYAL — SALN ang sandata laban sa korapsiyon


Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

Naging talamak ang korapsiyon mula 2020 hanggang 2025 partikular na ang may kaugnayan sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nabulgar ang malaking kickback na kinukubra ng mga pulitiko. Nabusog ang bulsa ng district engineers ng DPWH dahil sa porsiyentong natanggap sa mga pribadong contractors na nakakopo nang maraming proyekto na ang karamihan ay ghost projects. Iniimbestigahan na ngayon ang anomalya at maraming umaasa na may mabubulok sa bilangguan.

Pero napigilan sana ang anomalyang ito noong 2020 kung hindi tinutulan ni dating Ombudsman Samuel Martires ang pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Tinutulan din ng dating Ombudsman ang pag-lifestyle check sa public officials na mabisa sanang panlaban sa graft at plunder. Sabi noon ni Martires, hindi na raw kailangan ang lifestyle check, dahil sa aniya’y maling probisyon sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees). Ayon kay Martires, lahat aniya ng tao ay dapat mamuhay nang naaayon sa kanyang posisyon at tinatanggap na sahod.

Itinalaga ni dating President Rodrigo Duterte si Martires noong Hulyo 2018, at mula noon, itinigil na nito ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno. Hindi na raw ito kailangan. Ano raw ba ang pakialam sa buhay nang may buhay?

Ngayon, masisilip na ng publiko ang SALN batay sa inilabas na memorandum ni bagong talagang Om­budsman Jesus Crispin Remulla. Sa memo ni Remulla, tinatanggal na ang restriksyon sa SALN. Ang pagtatanggal sa restrictions ay isinagawa ni Assistant Ombudsman Mico Clavano kamakalawa. Ayon kay Clavano: “Transparency is the name of the game… There is no need for consent on the part of the public officer whose SALN is being requested. The only thing that the requesting party needs to show is ID and to make sure that he or she is not a fictitious person.” Sakop ng memorandum ang SALN nina ­President Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, mga senador, kongresista at local government officials.

Ang SALN ang pinakamabisang sandata laban sa korapsiyon. Ngayong maaari na itong masilip ng publiko, posibleng mahadlangan na ang korapsiyon sa pamahalaan. Apat na miyembro ng Kongreso, tatlo sa party-list Akbayan ang naghain na ng kanilang SALN noong nakaraang buwan at wala pang sumusunod sa kanila.

Pangunahan nina Pres. Ferdinand Marcos Jr. at Remulla ang paghahain ng kanilang SALN para maging ganap ang paglaban sa katiwalian.