February 18, 2026 | 12:00am
MAY inilabas na “drawing” ang DILG, na may dalawang kongresista raw mula Luzon, ang sangkot diumano sa pagpasok ng imported na yosi kadiri sa Philippines my Philippines. Mabigat ang paratang. Malakas ang dating. Pero pagdating sa pangalan? Tikom ang bibig.
Ano ba ’to? Pa-teaser? O pa-excite sa madlang Pinoy?
Kung may ebidensiya, ilatag. Kung may kaso, isampa. Pero ’yung magbato ka ng anino tapos iiwan mong nakabitin sa ere parang pananakot na walang paninindigan. Hindi ito teleserye na puwedeng pahabain ang suspense. Buhay at reputasyon ang nakataya rito.
Hindi biro ang isyu ng smuggling ng sigarilyo. Bilyon ang nawawala sa gobyerno. Buwis na dapat sana’y pang-eskwela, pang-ospital, pangserbisyo. At kung may opisyal na kasabwat mas lalong dapat pangalanan. Walang VIP sa batas. Walang blind item pagdating sa pananagutan.
Pero kung hindi pa raw pala handa ang ebidensiya, bakit may pahapyaw na pagbubunyag? Bakit may pa-drawing? Sa ganitong galawan, dalawang bagay ang nangyayari—una, nasasabik ang publiko gusto nila ng pangalan ng dalawang ‘itlog’ este mali kongresista pala.
Ikalawa, nasisira ang kredibilidad ng kampanya laban sa smuggling. Dahil ang dating: may alam, pero ayaw ilabas. May itinuturo, pero walang tapang na tapusin.
Sa gitna nito, sinabi ni Nartatez na hindi nila papayagang maging “POGO hub” ang illegal na bentahan ng sigarilyo sa Pampanga na pinatatakbo umano ng mga dayuhan.
Mabigat din ’yan. Lalo na sa konteksto ng pinaigting na kampanya laban sa mga POGO na inuugnay sa krimen at iligal na operasyon. Kung may dayuhan mang nagtatayo ng sindikato ng yosi, dapat durugin. Walang palusot.
Pero balik tayo sa pangunahing tanong kung may dalawang mambabatas na sangkot, bakit hindi pangalanan? Hindi ba’t mas delikado ang magbitaw ng paratang na kalahati lang? Ang hustisya hindi pabitin. Ang laban kontra smuggling hindi pa-misteryo.
Sa totoo lang, nakapapagod na ang ganitong estilo ’yung parang may pasabog pero walang konkretong hakbang. Kung totoong may sala, ilabas ang pangalan at iharap sa imbestigasyon. Kung wala pang sapat na basehan, tigilan muna ang paandar.
Dahil sa ganitong klima, madaling masira ang tiwala ng tao sa institusyon.
Ang bayan hindi uto-uto. Gusto nang malinaw. Gusto nang patas. At higit sa lahat, gusto ng tapang hindi tapang sa salita, kundi tapang sa paglalantad ng katotohanan.
Hanggang hindi pinapangalanan ang mga tinutukoy, mananatiling “drawing” ang lahat—larawang may hugis, pero walang laman.
Disklaymer: Ang pahayag na ito ay opinyon batay sa mga ulat at pampublikong pahayag ng mga opisyal. Hindi ito paratang laban sa sinumang indibidwal. Nananatiling inosente ang sinumang tinutukoy hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte.