EDITORYAL — Sunud-sunod na oil-price hike


Pilipino Star Ngayon

February 20, 2026 | 12:00am

NOONG Martes, binulaga na naman ang mga moto­rista sa panibagong pagtataas ng presyo ang petroleum products. Ang gasolina ay nagtaas ng P1.20 per liter samantalang P0.60 sa diesel at kerosene. Mula pa noong Enero, umabot na sa P7 ang tinaas sa diesel samantalang P5 sa gasoline at P4 sa kerosene.

Ang masaklap na na balita, magkakaroon umano uli ng pagtataas sa susunod na linggo.

Tuwing tataas ang presyo ng petroleum products, ang mga maliliit na namamayan ang apektado. Kama­kailan, nagbanta ang ilang transport groups na hihili­ngin nila ang P1 na dagdag sa pasahe. Sa kasalukuyan, P13 ang minimum na pasahe.

Ikinakatwiran ng transport groups na wala na silang kinikita sa pamamasada dahil sa walang tigil na pagtaas ng diesel. Paano raw nila bubuhayin ang pamilya sa kakarampot na kinikita sa pamamasada. Paano raw nila mapag-aaral ang mga anak? Paano rin daw sila ma­ka­ba­bayad sa bill nila sa tubig at kuryente. Inihahayag naman ng Meralco na magtataas sila sa February billings.

Ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay dahilan din para itaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin—bigas, karne, isda, noodles, asukal, gatas at iba pa.

Nakapagtataka ang sunud-sunod na linggong oil price hike. Bahagya nang tumigil ang giyera sa Middle East at hindi na gaanong nagbabakbakan ang Russia at Ukraine. Anong dahilan ng oil price hike. Sabi ng De­partment of Energy, ang geopolitical tension sa Iran ang dahilan. Nagkakaroon umano ng problema sa Strait of Hormuz. Ang strait ang key trade route na nagko-connect sa Persian Gulf at Gulf of Oman sa Arabian Sea.

Ang sunud-sunod na oil price hike ay nagpapahirap sa mamamayan. Nararapat namang makaisip ng paraan ang pamahalaan para mapagaan ang pasanin ng ma­ma­mayan.

Bigyan ng fuel subsidy ang mga PUV drivers. Ginawa na ito noong 2023. Binigyan ng tig-P6,500 ang mga driver ng tradisyunal na jeepney, public utility buses, mini buses, taxi, shuttle services taxis, transport network vehicle services, tourist transport services, school transport services at Filcabs. Ang drivers ng delivery services ay tumanggap ng P1,200 at ang tricycle dri­vers ay P1,000.

Pero ang subsidy ay panandalian lamang. Kapag na­ubos ang subsidy, balik uli sa paghihikahos dahil patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

Suspendihin muna ang ipinapataw na tax sa petro­leum products. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag ang presyo ng langis ay pumalo sa $80 per barrel, maaring suspendihin ang tax nito. Gawin ito ng pamahalaan upang mabawasan ang bigat ng pasanin ng mga mali­liit na mamamayan. Ito ang tanging paraan.