EDITORYAL — Umaapaw sa tissue papers


Pilipino Star Ngayon

December 13, 2025 | 12:00am

MAHALAGA ang tissue papers lalo na sa mga comfort room. Kapag walang tissue papers sa CR, hindi maganda ang karanasan ng sinumang gagamit. Mahalaga ang tissue paper para sa kalinisan. Maraming tao ang umiinit ang ulo kapag walang tissue papers sa CR. Hindi anila sila kumportable kapag walang tissue papers.

Ang ganitog problema marahil ang iniiwasan ng Social Security System (SSS) kaya nag-stock sila nang maraming tissue papers. Gusto marahil ng pamunuan ng SSS na laging may tissue paper sa kanilang mga comfort room. Ang SSS ay isa sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na sob­rang linis ng comfort rooms at laging may tissue paper. Sagana rin sa tubig ang mga CR ng SSS.

Laging inaalagaan ng mga janitor ang comfort rooms at pinananatiling malinis sa lahat ng oras.

Pero ang pag-i-stock ng SSS nang sobra-sobrang tissue papers ay kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA). Sabi ng COA, bumili ang SSS ng 143,424 tissue papers na nagkakaha­laga ng P13.195 million noong 2024. Ayon sa COA, ang sobra-sobrang pagbili ng tissue papers ng SSS ay malinaw na nagpapakita ng mahina at maling pagpaplano.

Dahil daw sa sobra-sobrang tissue papers na binili ng SSS, hindi na ito magkasya sa kanilang storage facili­ties. Umaapaw na raw sa dami ng tissue papers. Ayon pa sa COA, ang biniling tissue paper ay lampas para sa da­lawang buwang kinakailangang supply ng SSS. Hindi naging maayos ang pagbili ng mga tissue papers.

Dapat bang bumili nang sobra-sobrang tissue papers ang SSS? Mas mahalaga pa ba ito kaysa sa mga pangangailangan ng SSS members. Sabi ng COA, ang halagang binili sa tissue paper ay maaring mapakinabangan ng 2,000 SSS pensioners o funeral benefits ng 650 na namatay na miyembro. Ayon pa sa COA mayroong P3 million underpayment ang SSS para sa funeral benefits. Mayroon din daw ilang patay nang pensioners ang patuloy na nakatatanggap ng pension at naging dahilan ng overpayment na P24.811 million.

Habang maraming miyembro ang umaasa sa kaka­rampot na benepisyo, nagkalooob naman ang SSS ng cash incentives na P50,000 sa 6,525 opisyal at em­ple­yado na nagkakahalaga ng P333 million sa pa­ma­magitan ng Prestige Award.

Maraming miyembro ang nagtatanong kung bakit karampot ang nakukuhang benepisyo sa SSS pero naka­kabili naman nang sobra-sobrang tissue papers at na­kapagbibigay nang malaking incentives sa mga opisyal at empleyado. Bakit nga ba?