October 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umiwas ang nagdedepensang San Miguel sa pagkakalugmok sa ilalim ng team standings.
Isang 17-0 atake sa pagbubukas ng third period ang ginamit ng Beermen para lasingin ang Rain or Shine Elasto Painters, 111-93, sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Bumira si CJ Perez ng 23 points at iniskor ni all-time three-point king Marcio Lassiter ang lahat ng kanyang 18 points sa second half para sa 1-2 kartada ng SMB.
“We’re desperate, we’re down 0-2. We know we can’t afford to be down 0-3 in this conference,” wika ni Lassiter na nagkaroon ng nose injury sa third quarter. “That’s what you do. You have to sacrifice, and those little sacrifices hopefully motivate everyone to come out harder.”
Humakot si nine-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 17 markers, 14 rebounds at 4 assists habang nagdagdag si Juami Tiongson ng 11 points.
Unang natalo ang SMC franchise sa NLEX, 84-85, at sa Phoenix, 103-109, at nakakatatlong ensayo pa lamang para sa pagdedepensa ng kanilang korona.
“We have the sense of urgency and you can see it naman eh, from the players, they are all out,” dagdag ni coach Leo Austria.
Pinamunuan ni Adrian Nocum ang Rain or Shine sa kanyang 17 points kasunod ang tig-16 markers nina Jhonard Clarito at Gian Mamuyac.
Bigo ang Elasto Painters na masundan ang naunang 96-95 paglusot sa Meralco.
Matapos isara ang first half hawak ang 46-34 abante ay isang 17-0 bomba ang inihulog ng Beermen sa pamumuno nina Perez, Lassiter at Fajardo para iposte ang 63-43 bentahe sa 6:16 minuto ng third period.
Nakalapit ang Rain or Shine sa 76-86 sa fourth quarter bago muling umarangkada ang SMB sa pagtatayo ng 92-76 kalamangan sa 6:24 minuto nito.
