October 5, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagpasabog si Clint Escamis ng 29 points para gabayan ang nagdedepensang Mapua University sa 90-87 pagtakas sa Arellano University sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nagsalpak din si Escamis ng perpektong 4-of-4 shooting sa three-point line para sa 2-0 record sa Group A ng Cardinals na nagmula sa 90-89 double overtime win sa Lyceum Pirates noong Miyerkules.
Sa nasabing paglusot sa Lyceum ay tumapos si Escamis na may walong puntos mula sa masamang 4-of-15 field goal shooting bago na-foul out.
“Thank you, Lord, na healthy ako kasi may nararamdaman ako last game, so that gave me the confidence to have my game ngayon, so ayun lang talaga,” ani ng graduating guard.
Nagdagdag si Cyrus Cuenco ng 14 points at may 12 at 10 markers sina Cyril Gonzales at Cyrus Nitura, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Basti Valencia ang Chiefs sa kanyang 13 points.
Nalasap ng Arellano ang una nilang kabiguan sa NCAA Season 101.
Sa ikalawang laro, pinabagsak ng Season 100 runner-up De La Salle-College of Saint Benilde ang Emilio Aguinaldo College, 74-63.
Sumandal ang Blazers kina veterans Justine Sanchez at Allen Liwag para sa kanilang 1-1 baraha sa Group B.
