MANILA, Philippines — Nakuha ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang suporta ng mga kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte, kaalyado ng oposisyon at mga magkakapatid na senador.
Ayon kay Senator JV Ejercito, suportado si Escudero nina Senators Robin Padilla, Rodante Marcoleta, Imee Marcos at Ronald “Bato” Dela Rosa na kilalang mga supporters ni Duterte.
Inaasahan na ring boboto kay Escudero bilang Senate President ng 20th Congress ang magkapatid na sina Sens. Erwin Tulfo at Raffy Tulfo; Camille Villar at Mark Villar; Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano at magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada.
Sinabi rin ni Ejercito na nakuha rin ni Escudero ang mga makakasama sana ni Sen. Risa Hontiveros sa oposisyon na sina Sens. Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan.
Idinagdag ni Ejercito na isinantabi na muna nila ang mga isyu ng partido at kulay ng pulitika at sinuportahan kung ano ang makabubuti sa mamamayang Pilipino.
Sinabi rin ni Ejercito na kabilang siya sa 16 senador o higit pa na lumagda sa resolusyon na sumusuporta kay Escudero.