Sangkot sa pagpatay sa vendor
MANILA, Philippines — Patay ang isang dating barangay councilor o kagawad na itinuturong responsable sa pagpatay sa isang vendor habang sugatan ang isang pulis matapos na mauwi sa engkuwentro at mga pagsabog ang isinagawang pagsalakay ng pulisya laban sa una sa San Fernando, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang nasawing suspect na si Jay Castan?ares, dating barangay kagawad na akusado sa pamamaril sa vendor ng pagkain na si Emilio Sambroso.
Si Ambrosio ay dati na rin umanong nasakote sa kasong may kinalaman sa illegal na droga.
Bandang alas-10 ng umaga nitong Sabado nang barilin ng suspect ang vendor na si Sambroso habang lulan ng motorsiklo na nasapol ng tama ng bala sa ulo na siya nitong ikinasawi.
Tinukoy naman ng ilang witness ang suspect na nasa likod ng pamamaril sa vendor at dakong alas-4 ng hapon ng magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng San Fernando Police habang nagsilbi namang backup ang Regional Mobile Force Battalion-Central Visayas matapos na mabatid na armado ng dalawang granada at armas ang target.
Agad na tinungo ng mga operatiba ang tahanan ng suspect sa Brgy. Sangay ng bayang ito, pero sa halip na sumuko ay pinaputukan umano nito ang arresting team na nauwi sa shootout.
Nasugatan si P/Patrolman Kim Villariasa ng RMFB 7 sa palitan ng putok habang dalawang malakas na pagsabog ang narinig mula sa tahanan ng suspect. Lumalabas na pinasabog ng suspek ang hawak na granada at maging ang Liquefied Petroleum Gas (LPG) na nagsanhi ng sunog sa bahay nito.
Sa clearing operations matapos na maapula ang sunog, narekober ang bangkay ng suspek na may mga tama ng bala at sugat sa katawan.