November 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puntirya ng Farm Fresh ang ikalawang sunod na panalo para makalapit sa quarterfinals berth ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Lalabanan ng Foxies ang mapanganib na Petro Gazz Angels ngayong alas-4 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sa alas-6:30 ng gabi magtutuos ang mainit na Capital1 Solar Spikers at Chery Tiggo Crossovers.
Nauna nang pumasok ang ZUS Coffee sa knockout quarterfinals hawak ang 6-0 baraha sa itaas ng PLDT (5-1), Farm Fresh (4-1), nagdedepensang Creamline (4-2), Capital1 (3-2), Petro Gazz (3-2), Akari (3-3), Cignal (3-3), Choco Mucho (2-4), Chery Tiggo (1-4) at mga sibak nang Nxled (0-6) at Galeries Tower (0-6).
Umiskor ang Foxies ng 25-18, 25-13, 18-25, 26-24 panalo sa Flying Titans, habang nakalasap ang Gazz Angels ng 22-25, 21-25, 20-25 kabiguan sa Thunderbelles sa kanilang mga huling laro.
“I think it’s very important to have different abilities as a team to be able to win consistently and to try to be at the top of the league and of the conference,” ani Italian coach Alessandro Lodi sa Farm Fresh na muling babanderahan nina Belgian import Eli Rousseaux, Trisha Tubu, Ces Molina, Rizza Cruz at Lorene Toring.
Itatapat ng Petro Gazz sina American reinforcement Lindsey Vander Weide, Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips, Myla Pablo at Jonah Sabete.
Kailangan ng Gazz Angels, isang two-time Reinforced Conference champions, na mawalis ang huli nilang tatlong laro para sa magandang puwesto sa quarterfinals.
