September 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kumpiyansa si coach Sean Chambers na magiging mabalasik ang Far Eastern University ngayong UAAP Season 88 men’s basketball tournament.
Kaya naman asahang handa nang manuwag ng mga Tamaraws sa pagharap nila sa Ateneo Blue Eagles ngayong alas-2 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Sa naganap na preseason press conference sa Gloria Maris sa Greenhills noong Lunes karamihan sa mga coaches ay ang nagdedepensangUniversity of the Philippines at De La Salle University pa rin ang mga koponang na babantayan.
Subalit ayon sa dating PBA Best Import, dapat isama ang kanyang koponang FEU sa mga magiging problema ng ibang tropa.
“Aside from UP and La Salle, FEU’s gonna be a problem,” kumpiyansang wika ni Chambers sa kanyang Tamaraws.
“You can call us the dark horse. Like I said before at the end of last year, we’re going to be a problem for every team moving forward. Our team is going to be solid,” dagdag nito.
Hindi maganda ang naging simula ng FEU sa nakaraang season subalit bigla silang bumangon sa second round kung saan ay nakapagtala sila ng apat na panalo sa huling pitong laro.
Kinapos ng bahagya na makapasok sa Magic Four ang Tamaraws sa inirehistrong 5-9 record.
Ayon kay Chambers, mayroon siyam siyang rookies at ngayon ay nakakuha na sila ng experience kaya ito ang pinagkukunan niya ng lakas ng loob.
“Last year, we had nine rookies and everything was new to them. The first game, the first win, the first loss. This year it’s like we have a little bit of being a veteran this time around, with just a few rookies this year,” ani Chambers.
Huhugot ng puwersa si Chambers kina Jorick Bautista, Janrey Pasaol at Jedric Daa kasama ang mga batang sina Luke Felipe, Kirby Mongcopa, Liam Sangalang at Neil Owens.
Samantala, magtatapat sa pangalawang laro ang Season 87 runner-up La Salle at Adamson University sa alas-4:30 ng hapon.
Kapwa hangad ng Green Archers at Falcons ang unang panalo.
