October 5, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lumabas ang tikas ng defending champion University of the Philippines sa second half upang mantsahan ang malinis na karta ng National University, 66-59 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, Manila kagabi.
Napaganda ng Fighting Maroons ang kanilang karta sa 2-2 win-loss record at upuan ang solo fifth sa team standings.
Nagkapit bisig sina Fil-Am sharpshooter Miguel Yniguez, Nigerian forward Francis Nnoruka, at senior guard Harold Alarcon para tulungan ang Fighting Maroons na umahon mula sa pagkakalubog sa third canto.
Hinabol ng UP ang 13 puntos na bentahe ng Bulldogs sa third period at sa fourth canto ay inumpisahan ni Yniguez ang ratsada kasama ang malakas na dunk ni Nnoruka at anim na clutch points mula kay Alarcon at maging si Gani Stevens ay tumulong sa puntusan para mahawakan nila ang eight-point lead, 58-50 may tatlong minuto na lang sa orasan.
Nanguna sa opensa si Nnoruka na may 14 points, kumana si Stevens ng 10 markers habang tig-walo ang inambag nina Alarcon at Yniguez para sa UP na susunod na makakalaban ang walang pang dungis na Ateneo de Manila University sa Oktubre 8 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay.
Tumikada si Steve Nash Enriquez ng 16 puntos para sa Bulldogs na pagkakataon makabawi agad sa Miyerkules kontra Adamson University.
Samantala, lumiyab ang opensa ng University of Sto. Tomas sa third quarter upang lapain ang University of the East, 111-99 sa unang laro upang ilista ang 3-1 karta para hawakan ang solo third place sa team standings.