Final Testing, Sealing ng ACMs nilarga na ng Comelec


MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang final stage sa pagsusuri ng Automated Counting Machines (ACMs) na gagamitin sa May 12 elections sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bago ang halalan, itinakda ang Mayo 2 hanggang Mayo 7 sa pagsasagawa ang FTS ng mga miyembro ng electoral board ng ‘end-to-end’ test ng mga makina.

Unang isinagawa ang FTS sa Pateros Elementary School na bukod sa mga opisyal ng poll body, sinaksihan din ng citizens arms, poll watchers, ­foreign observers at mga mamamahayag.

Pagkatapos ng FTS ay saka naman se­selyuhan ang ACMs at ilalagak sa Office of the Department of Education Supervisor Official para pangalagaan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) hanggang sa araw ng halalan.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sa oras na maipasok ang smart card ng electoral board members ay gagana ang mga makina.

Ipinakita rin na mahalaga na dumaan muna ang makina sa initialization kung saan kailangang maglabas ito ng resibo na nagpapakita na walang karga o laman na boto ang makina.

Nang isubo naman ang balota ay tinanggap ng makina at wala namang nakitang aberya, maliban sa paper jam.

Sinabi ni Garcia na mas mabilis ang FTS ngayon kumpara sa mga nakalipas na eleksyon dahil napaka-user friendly ng ACM.