Finals spot target ng PLDT vs ZUS Coffee


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Buhay na buhay pa ang tsansa ng PLDT para sa kanilang makasaysayang ‘three-peat’ sa Premier Volleyball League (PVL).

Lalabanan ng High Speed Hitters ang ZUS Coffee Thunderbelles nga-yong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Petro Gazz Angels at Akari Chargers sa alas-4 ng hapon sa knockout semifinals ng 2025 PVL Reinforced Conference sa Smart Araneta Coliseum.

Sinibak ng No. 3 PLDT ang No. 6 Cignal, 25-21, 25-18, 23-25, 25-21 habang dinispatsa ng No. 2 ZUS Coffee ang No. 7 Capital1 Solar Energy, 25-14, 25-20, 25-18, sa quarterfinals noong Lunes.

Target ng High Speed Hitters ang ikatlong sunod na korona matapos pagreynahan ang mga nakaraang PVL on Tour at Invitational Conference.

Ito naman ang unang semifinals appearance ng Thunderbelles.

“Isa sa mga bles­sing nu’ng dalawang confe­rence nu’ng nakaraan, nasalang kami – alam na namin ‘yung fee­ling ng knockout games,” ani PLDT coach Rald Ricafort kontra sa ZUS Coffee. “Feeling ko kahit papaano may edge na kami sa mental side.”

Muling aasahan ng High Seed Hitters sina Russian import Nastya Bavykina, Fil-Canadian Savi Davison, Majoy Ba­ron, Kim Kianna Dy, Mika Reyes, Dell Palomata at setter Kim Fajardo.

Itatapat ng Thunderbelles sina American hitter Anna DeBeer, Jovelyn Gonzaga, Fiola Ceballos, rookies AC Miner at Riza Nogales at setter Cloanne Mondoñedo.

“It’s getting more exci­ting and we’re getting clo­ser. We’ll take it one game at a time – just like we have all conferences,” ani DeBeer. ‘I’m really excited to see how we’re going to finish this out.”

Sa unang laro, magi­ging mainit din ang salpukan ng Petro Gazz at Akari sa kanilang semis showdown.

Tinakasan ng Gazz Angels ang Cool Smashers, 25-23, 25-19, 16-25, 25-14, at winalis ng Chargers ang Foxies, 28-26, 30-28, 25-21, sa quarterfinals noong Lunes.

Tatayong ‘underdogs’ ang Akari laban sa Petro Gazz na nagkampeon sa 2024 All Filipino Confe­rence.

Nakatakda ang one-game championship sa Linggo sa Big Dome.