MANILA, Philippines — Pinaghahanap na ng pulisya ang flagman na nagbantay sa bumagsak Cabagan-Santa Maria Bridge noong Huwebes ng gabi na nagbigay ng pahintulot sa dump truck na dumaan sa tulay kung saan apat na sasakyan ang nadamay sa insidente.
Ayon kay PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station, alas-7 ng umaga ng Biyernes nang boluntaryong sumuko ang driver at pahinante ng dump truck upang isalaysay ang naturang pangyayari.
Lumilitaw na nagtanong ang driver ng dump truck kung maaaring daanan ang tulay dahil mayroon pa itong sinusundan na isa pang sasakyan.
Pinayagan naman umano ng flagman na dumaan sa tulay ang mga malalaking sasakyan na isa sa nakikitang dahilan kung bakit bumagsak ang tulay.
Ayon pa kay PMaj. Villanueva, biktima rin ang driver at pahinante ng dump truck kaya wala silang kasong kahaharapin.
Tanging pananagutin lamang aniya sa pangyayari ay ang flagman na nagbabantay sa lugar at bibigyan ito ng kaukulang kaparusahan na naaayon sa kanyang hindi pagsunod sa regulasyon sa tulay.
Sa ngayon ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal na kasalukuyang ipinahahanap sa awtoridad.
Tinututukan pa rin ng mga kapulisan ang pagbabantay sa gumuhong tulay at patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa awtoridad upang tanggalin ang mga behikulong sangkot sa insidente.
Samantala, Inihayag ni DPWH OIC Regional Director Mathias Malenab na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Tiniyak din ni Malaneb na nakaantabay sila sa anumang development kaugnay sa kalagayan ng mga nasugatan dahil sa pagbagsak ng tulay.
Sa ngayon plano nila na humingi ng tulong at mag-request ng experts mula sa Bureau of Design and Bureau of Construction sa DPWH Central Office para sa karagdagang evaluation at assestment sa tulay.
