Flood control master plan | Pilipino Star Ngayon


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

September 30, 2025 | 12:00am

NOONG si Rogelio Singson pa ang DPWH Secretary, inihain ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo na noon ay Undersecretary for Operations, ang pagkakaroon ng flood control master plan. At kung naisakatuparan lamang at na­ipatupad nang maayos ang flood control master plan na iyon ay hindi sana tayo nalubog sa  baha at korapsyon.

Nakatuon ang ginawang master plan nina Momo sa Metro Manila at mga karatig-lugar na madalas na bahain sa tuwing sasapit ang tag-ulan. Ginawa ang planong ito noong 2012 sa tulong ng World Bank kung saan ang kabuuang tinatayang magagastos noon ay P350 bilyon.

Kabilang sa master plan na ito ang 9 na prayoridad na proyekto tulad ng Upper Marikina Dam, pagpapabuti sa mga pangunahing ilog, retarding basins sa Cavite at mga internal­ drainage system. Dahil hindi nagtuluy-tuloy ang master plan na ito, nalubog ang Metro Manila at mga karatig lugar sa  baha.

Ang pinagmulan ng problema ay dulot ng mga drainage pro­ject na hindi magkakaugnay kaya hindi naging epektibo ang pagsugpo sa baha. Mga nagsulputang flood control project na hindi naman nakaayon sa master plan kaya walang na­itulong sa problema sa baha sa halip inilubog pa tayo sa baha ng korapsyon.

Sa ngayon, walang inilaan na pondo para sa flood control sa badyet ng 2026  dahil na rin sa mga nabuking  na anomalya. Bagama’t walang magiging flood control project sa 2026, ang mga proyektong pinondohan ng budget para sa 2024 at 2025 ay nagpapatuloy at ipinatutupad pa.

Sa plano ng Kongreso, ipagpapatuloy na lamang ang bagong pondo sa flood control pagdating ng 2027 budget. Kumbaga ay magpapalamig muna sa isyu ng korapsyon at tuloy ay isusulong na rin ang pagbabago at mga proyektong ibabase sa agham. Dito na papasok ang pagkakaroon ng master­ plan at detalyadong engineering design na inaasahang ma­ka­­karesolba sa isyu ng pagbaha.

Pagpasok ng 2027 pondo para sa flood control kailangang ma­tiyak na magiging maayos na ang implementasyon ng mga pro­yekto at dapat nakabatay o naka-align sa pangunahing master plan. Gumagawa na ang DPWH ng Internal Drainage Master Plan para sa Metro Manila upang matiyak na magka­kaugnay ang lahat ng drainage system ng bawat lungsod at ma­giging epektibo ito sa kabuuan. Layunin nito na magkaroon ng tuluy-tuloy na daloy ng tubig para sa mainam na pamamahala ng baha.

Kung nasunod lamang ang isinulong noon nina Singson at Momo na master plan sa flood control, hindi siguro binabaha ngayon ang Metro Manila at mga karatig lugar na kahit hindi bagyo ay nalulubog na sa tubig.