Football team, pinagmulta matapos maglagay ng pampamalas na anting-anting sa locker room ng kalaban na team!


Pinatawan ng 30,000 Yuan (katumbas ng P250,000) na multa ang isang football team sa China matapos ma­tuklasang naglagay sila ng pampamalas na anting-anting sa locker room ng kalaban na team!

Ayon sa ulat ng Chinese Professional Football League (CFL), natuklasan na nagpaskil ang Changchun Xidu FC ng “Fu”, isang anting-anting na gawa sa dilaw na papel, sa locker room ng kalaban nilang team na Shanxi Chongde Ronghai.

Ang “Fu” na natagpuan sa locker room ay may nakasulat na sumpang: “By decree, Shanxi Chongde Ronghai must be defeated”.

Sa tradisyong Taoismo, ang “Fu” ay ginagamit upang magdala ng suwerte, ngunit maaari ring gamitin para magbigay ng sumpa o kamalasan sa kalaban.

Matapos suriin ang mga larawan at ebidensiya na kumalat sa social media, nagpahayag ang CFL na nilabag ng Changchun Xidu FC ang kanilang Disciplinary and Ethics Code nang mapatunayan na gumamit sila ng “feudal superstition items”.

Dahil dito pinagmulta ang team ng 30,000 Yuan. Nangako naman ang CFL na lalong hihigpitan nila ang pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa anumang uri ng pamahiin o taktika na labag sa tuntunin.

Sa kabila ng kontrobersiya, nanalo pa rin ang Changchun Xidu FC sa iskor na 2-0, na nagpatatag sa kanilang ikalawang puwesto sa China League Two.

Gayunman, natabunan ang kanilang tagumpay nang lumabas na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpaskil sila ng “Fu” sa locker room ng mga kalabang team.

Ipinag-utos ng CFL na ipagpatuloy ang mahigpit na pagsisiyasat sa mga ganitong insidente at pinaalalahanan ang lahat ng team na umiwas sa anumang pamahiing maaaring magdulot ng parusa.