COTABATO CITY , Philippines — Patay ang foreman ng isang construction firm habang malubhang nasugatan ang babaeng kasama matapos silang tambangan at pagbabarilin sa isang residential area sa sentro ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Huwebes.
Sa pahayag ng mga local executives at opisyales ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa mga mamamahayag kahapon, ang 66-anyos na biktima na kinilalang si Martin Navarro, foreman ng isang construction company ay agad nasawi sa pinangyarihan ng insidente dahil sa mga tinamong mga tama ng punglo sa katawan.
Ginagamot naman sa hindi tinukoy na ospital ang babaeng kasama ni Navarro na si Krisyl Franco, 34-anyos nang mahagip din ng bala sa katawan.
Sa ulat ng pulisya, sakay ang dalawang biktima ng tricycle mula sa interior area ng Datu Odin Sinsuat, nang sila ay atakihin ng armadong grupo na nakaposisyon sa tabi ng kalsada saka sila pinagbabaril.
Ang namatay na si Navarro ay mula sa Talomo, Davao City habang di Franco ay residente ng bayan ng Antipas sa Cotabato province.
Sinabi ng mga lokal na opisyal na si Navarro ay construction foreman ng isang kumpanya na may ginagawang proyekto sa Maguindanao del Norte.
Agad na tumakas ang mga salarin nang makitang napuruhan ang kanilang target.
