MANILA, Philippines — Papangalanan bilang Rookie of the Year si dating De La Salle University middle blocker Thea Gagate ng ZUS Coffee sa Pilipinas Live PVL Press Corps Awards Night na gaganapin sa Mayo 28 sa Novotel Manila Araneta City.
Isa sa pinag-agawan si Gagate sa PVL Rookie Draft na ginanap noong nakaraang taon.
At masuwerte ang Thunderbelles na nahugot nito si Gagate na tunay na naasahan ng tropa sa kanilang kampanya sa nakalipas na season.
Malaki ang ambag ni Gagate na siyang tumulong sa ZUS Coffee para makapasok sa kanilang kauna-unahang quarterfinals appearance sa 2024-25 All-Filipino Conference.
Nagtala si Gagate ng 148.1 points para makuha ang Rookie of the Year award.
Tinalo nito sina Ishie Lalongisip ng Cignal (125.8), Angge Alcantara ng PLDT (105.5) at Shar Ancheta ng ZUS (99.6).
Sa 2024-25 All-Filipino Conference, nakalikom si Gagate ng kabuuang 48 blocks habang pinangalanan itong Best Middle Blocker.
Pamumunuan naman ni two-time MVP Brooke Van Sickle ng Petro Gazz ang PVL Mythical Team kasama si Bernadeth Pons ng Creamline.
Sina Van Sickle at Pons ang Best Outside Hitters.
Kasama sa Mythical Team sina middle blockers Majoy Baron ng PLDT at Bea De Leon ng Creamline, Trisha Tubu ng Farm Fresh sa opposite, Gel Cayuna ng Cignal sa setter position at Alyssa Eroa sa libero.
Si Eroa rin ang Comeback Player of the Year.