October 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay minalas na ang Akari sa isang five-setter.
Pumalo si American import Lindsey Vander Weide ng 22 points para sa 29-27, 25-22, 19-25, 17-25, 15-11 pagdaig ng Petro Gazz Angels sa Chargers sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Nagdagdag si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 19 markers para sa 3-1 record ng Petro Gazz sa Pool B kasama ang back-to-back wins.
May 13 points si Fil-Am middle blocker MJ Phillips tampok ang apat na blocks habang umiskor si Myla Pablo ng 10 points at tumipa si rookie setter Jules Tolentino ng 23 excellent sets.
Nadiskaril ang hangad na 3-0 panimula ng Chargers na nanalo sa five-setters sa unang dalawang laro.
“We knew that Akari is tough, so they actually came out firing, we kinda let up a little bit,” sabi ni Gazz Angels coach Gary Van Sickle. “But we just kept on battling.”
Humataw si American hitter Annie Mitchem ng game-high 30 points mula sa 25 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces para sa Chargers.
Nag-ambag si Fifi Sharma ng 18 markers at may 14 at 13 points sina Eli Soyud at Ced Domingo, ayon sa pagkakasunod.
Sa unang laro, tinapos ng Chery Tiggo ang kanilang tatlong sunod na kamalasan matapos ibagsak ang Galeries Tower, 25-9, 25-16, 25-23.
Kumamada si Cuban spiker Yuni Batista ng 20 points para sa 1-3 record ng Crossovers sa Pool B habang nagdagdag sina Ara Galang at Pauline Gaston ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Lugmok ang Highrisers sa 0-4 karta.
