October 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bumalikwas ang San Beda University mula sa naunang kabiguan para bugbugin ang Emilio Aguinaldo College, 81-64, sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Kumolekta si Janti Miller ng 14 points, 9 rebounds at 1 steal para itaas ang baraha ng Red Lions sa 3-1 at saluhan ang St. Benilde Blazers sa liderato sa Group B.
Nagdagdag si Jomel Puno ng 12 points kasunod ang 11 markers ni Zed Etulle tampok ang dalawang three-point shots.
Nagmula ang Mendiola-based team sa 66-67 kabiguan sa Jose Rizal Heavy Bombers na pumigil sa kanilang three-game winning streak.
“That was a tough loss. Team morale was really down for a whole week, but shout out to our vets,” wika ni Miller.
Laglag ang Generals sa 1-3 kartada.
Samantala, kumolekta si T-Mc Ongotan ng triple-double na 13 points, 10 rebounds at 10 assists para gabayan ang Arellano University sa 92-65 paggupo sa Lyceum of the Philippines University.
Ito ang unang naitalang triple-double matapos ang inilista ni John Abis ng University of Perpetual Help System DALTA sa Season 98
Pinaganda ng Chiefs ang kanilang baraha sa 2-2 sa Group A at inilaglag ang Pirates sa 0-4.
