Giannis sumampa sa 20k point club


MILWAUKEE — Bumira si Giannis Antetokounmpo ng 32 points para makasama sa 20,000-point club at banderahan ang Bucks sa 137-107 paglampaso sa Dallas Mavericks.

Ang 30-anyos na si Antetokounmpo ang naging ika-52 player na sumampa sa nasabing grupo na kinabibilangan nina LeBron James, Kevin Durant, Kobe Bryant, Wilt Chamberlain at Michael Jordan.

Tumipa si Kevin Porter Jr. ng triple-double na 10 points, 11 rebounds at career high 14 assists para sa Milwaukee (36-25).

Binanderahan ni Klay Thompson ang Dallas (32-31) sa kanyang 28 points.

Sinamantala ng Bucks ang kakula­ngan ng players ng Mavericks, kabilang ang pagkakaroon ni Kyrie Irving ng season-ending left knee ACL injury.

Sa Boston, umiskor si Payton Pritchard ng career-high 43 points tampok ang ca­reer-best 10 triples sa 128-118 paggiba ng nag­­de­de-pen­sang Celtics (44-18) sa Portland Trail Bla­zers (28-35).

Sa Cleveland, nag­lista si Do­no­van Mitchell ng 26 points sa 112-107 panalo ng Cavaliers (52-10) sa Miami Heat (29-32).

Sa Denver, ku­mo­lekta si Nikola Jo­kic ng 22 points at 14 rebounds at  may 25 mar­kers si Russell Westbrook sa 116-110 paggupo ng Nuggets (40-22) sa Sacramento Kings (32-29).

Sa Memphis, nagbagsak si Shai Gilgeous-Alexander ng 41 points sa 120-103 paghuli ng Oklahoma City Thunder (51-11) sa Grizzlies (38-24).

Sa Charlotte, kumamada sina Anthony Edwards at Jaden McDaniels ng tig-29 points sa 125-110 pagsakmal ng Minnesota Timberwolves (35-29) sa Hornets (14-47).