November 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tinodo na ng Gilas Pilipinas ang preparasyon nito para sa unang window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos ang pagpasok sa closed-door training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Walang pahi-pahinga para sa Nationals na umarangkada sa dalawang beses na ensayo kada araw upang lalong hasain ang kanilang paghahanda matapos simulan ang traning camp sa Blue Eagle Gym sa Quezon City at sa The Upperdeck Gym sa Pasig.
Kumpleto na ang Nationals sa pagdating nina Kevin Quiambao, Carl Tamayo at AJ Edu mula sa kanilang mother clubs sa Japan at Korea na magandang senyales para kay head coach Tim Cone lalo’t hindi makakalaro sina Calvin Oftana, Kai Sotto at Ange Kouame dahil sa mga iniindindang injuries.
“It gives us a lot more continuity and lot more follow up, immediate follow up that we could look at what we did. So it’s much more efficient use of our time and that’s why we insists on going to a place like Inspire,” ani Cone.
“Inspire has all the facilities that we want, it’s all together. We don’t have to go anywhere.”
Maglalagi sa Laguna ang Gilas hanggang Linggo bago ang sendoff ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Lunes.
Lilipad pa-Guam ang Gilas sa Martes para sa unang laban sa Group A nila kontra sa home team sa Nobyembre 28 bago naman magsilbing host sa Disyembre 1 sa Blue Eagle Gym.
Kasama din ng Gilas sa Group B ang powerhouse na Australia at New Zealand.
Umaasa ang Gilas na makakakapasok ulit sa World Cup sa ikaapat na sunod na edisyon upang mapanatili ang streak simula noong 2014 nang wakasan nila ang 36-taong pagkakagutom.