Gilas sabak agad sa ensayo sa Guam


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ilang oras matapos lumapag sa Guam, sabak agad sa ensayo ang Gilas Pilipinas para masigurong nasa magandang kundis­yon ito bago sumalang sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Nasa Guam na ang delegasyon kung saan nakasama na rin ng tropa si AJ Edu na hindi na pumunta pa sa Maynila para sumalang sa training camp.

Mula Amerika, dumiretso na si Edu sa Guam dahil tinapos muna nito ang kanyang kasal.

Inaasahang darating na rin sa Guam si Carl Tamayo na nauna nang namomroblema sa visa.

Subalit naplantsa na ang lahat kaya’t makakasama na ito ng tropa sa Guam bago magsimula ang laban.

Masaya si Cone na makukumpleto na ang kanyang tropa sa ensayo.

Isa sa mga tinututukan ni Cone si Quentin Millora-Brown na mabilis na nakaagapay sa sistema ng Gilas.

Si Millora-Brown ang hahalili sa puwesto ni Kai Sotto na nagpapaga-ling pa sa kanyang injury.

“That’s one of the main things, he’s a tremendous rebounder, tremendous weakside rebounder,” ani Cone.

Maganda ang che­mistry ni Millora-Brown sa kanyang mga teammates matapos ang ilang serye ng ensayo ng Gilas sa Blue Eagle Gym, Upper Deck at Inspire Sports Academy.

“He’s gonna play off the ball from June Mar (Fajardo). And we’re gonna be able to clean on the weak side,” ani Cone.

Naniniwala si Cone na malaki ang maitutulong ni Millora-Brown sa Gilas Pilipinas dahil sa tangkad at husay nito.

Pinuri ni Cone ang matalinong paglalaro ni Millora-Brown na nakita na nito noong nakalaban ng Gilas Pilipinas ang Macau Bears kung saan naglaro ang dating UP standout bilang import.