Gilas sasagupa sa Chinese-Taipei sa FIBA Asia Cup


MANILA, Philippines — Mapapalaban kaagad ang Gilas Pilipinas sa 2025 FIBA Asia Cup sa Agosto 5 hanggang 17 sa King Ab­dullash Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sa inilabas na schedule ng mga organizers, unang makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Chinese-Taipei sa Agosto 6.

Nagtagpo na ang Gilas Pilipinas at Chinese-Taipei sa FIBA Asia Cup qualifiers kung saan may 1-1 head-to-head ito.

Unang nanalo ang Gilas Pilipinas noong Pebrero 25, 2024 matapos itarak ang 106-53 demolisyon sa Chinese-taipei sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Subalit malakas na line­up ang ipinarada ng Chinese-Taipei sa kanilang ika­lawang paghaharap no­ong Pebrero 20, 2025 kung saan inilista nito ang 91-84 panalo laban sa Pinoy squad sa labang ginanap sa Taipei, Taiwan.

Inaabangan na rin ang mu­ling paghaharap ng Gilas Pilipinas at New Zealand na mayroon ding 1-1 head-to-head sa FIBA Asia Cup qualifiers.

Makakasagupa ng Gi­las Pilipinas ang New Zealand sa Agosto 8.

Matatandaang ginulan­tang ng Gilas Pilipinas ang New Zealand noong Nob­yembre 21 matapos kubra­hin ang 93-89 panalo sa MOA Arena sa Pasay City.

Malaki ang kontribus­yon ni Kai Sotto.

Subalit nakabawi ang Tall Blacks sa final window ng qualifiers nang irehistro nito ang 87-70 demolisyon kontra sa Gilas noong Peb­rero 23 sa Auckland, New Zealand.

Target ng Gilas Pilipinas na makuha ang No. 1 spot sa Group D para awtomatiko itong makapasok sa quarterfinals.