MANILA, Philippines — Target ng Gilas Pilipinas na sumalang sa ilang tuneup games bago tumulak sa FIBA Asia Cup proper na idaraos sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ito ang inihayag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone kung saan magiging maiksi lang ang preparasyon ng tropa.
Nakatakdang matapos ang PBA Philippine Cup sa Hulyo 27 habang magsisimula naman ang FIBA Asia Cup sa Agosto 5.
Kaya naman target ni Cone na agad na masimulan ang ensayo para masigurong may chemistry ang kanyang tropa bago sumalang sa torneo.
Ilan sa mga plano ni Cone ang tuneup games ng Gilas bago tumulak sa Middle East.
Wala pang pinal na desisyon kung anong team ang makakalaban nito sa tuneup games kung saan posibleng mga PBA teams o ilang international teams ang iimbitahan nito.
Kabilang rin sa mga plano ang tuneup games sa oras na lumapag ang Gilas sa Middle East kontra sa ilang middle eastern teams.
Magiging malaking tulong ito upang mahasa ang tropa bago sumabak sa FIBA Asia Cup.
Makakasama ng Gilas sa Group D ang powerhouse New Zealand gayundin ang Chinese-Taipei at Iraq.
Kailangan ng Gilas Pilipinas na makuha ang top spot sa group stage upang awtomatikong makapasok sa quarterfinals.
Ang No. 2 at No. 3 teams naman ay daraan sa playoffs kasama ang iba pang teams sa bawat grupo na maglalaban laban para sa apat na natitirang silya sa quarterfinals.
