Gilas sisikwat ng unang panalo sa FIBA World Cup Qualifiers


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hangad ng Gilas Pilipinas na masungkit ang unang panalo nito sa pagsagupa sa host Guam sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na aarangkada ngayong araw sa Calvo Field House sa Guam.

Masisilayan ang salpukan ng Gilas at Guam sa alas-7 ng gabi (alas-5 ng hapon sa Maynila) kung saan nais ng Pinoy cagers na makuha ang pambuenamanong panalo nito sa qualifiers.

Krusyal ang larong ito para sa Gilas kaya’t kailangang makuha nito ang dalawang panalo sa home and away game para mapalakas ang tsansang makapasok sa World Cup.

“These two games, to me, are the most important games we play in the whole qualifiers. If we can’t get Guam and then we had to play New Zealand and Australia, we can’t get to that third spot even to advance to the second round,” ani Cone.

Kumpleto na ang Gilas   sa Guam na sumalang ulit sa ensayo isang araw bago ang laban nito.

Nasa sistema ng Gilas Pilipinas ang bagong dagdag na si Quentin Millora-Brown na malaki ang magiging papel sa tropa.

Si Millora-Brown ang hahalili sa puwesto si Kai Sotto sa sentro na siyang makakatuwang nina Justin Brownlee, AJ Edu, June Mar Fajardo at Japeth Aguilar.

Kasama pa sina Chris Newsome, Scottie Thompson, CJ Perez, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Kevin Quiambao at RJ Abarrientos.

Masaya si Cone sa takbo ng Gilas program partikular na sa mga bagitong players na humuhugot na ng karanasan para sa mga future tournaments ng tropa.

Gayunpaman, sesentro muna ang atensiyon ng Gilas sa qualifiers kung saan makakaharap nito ang Guam na babanderahan ni San Miguel Beer standout Jericho Cruz.