November 2, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puntirya ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na masimulan ang ensayo ng kanyang tropa sa Nobyembre 18 para paghandaan ang first window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sapat na ang 10 araw na ensayo bago simulan ng Gilas Pilipinas ang kampanya nito sa World Cup qualifiers na aarangkada sa Nobyembre 28.
Unang makakalaban ng Gilas ang Guam sa naturang petsa na gaganapin sa Mangilao, Guam.
Idaraos naman ang ikalawang paghaharap ng Gilas Pilipinas at Guam sa Disyembre 1 na gaganapin naman sa Blue Eagle Gym sa loob ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.
Ito ang unang pagkakataon na muling magsasama-sama ang Gilas players matapos ang FIBA Asia Cup na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia.
Posibleng magsanay ang Gilas sa Blue Eagle Gym upang magamay ang mga ito sa venue na gagamitin sa aktuwal na laro.
Isa rin sa posibleng maging venue ang training faci-lity sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna na karaniwan nang ginagamit ng Gilas sa mga nakalipas na training camp nito.
Inaasahang makukumpleto ang Gilas sa naturang petsa dahil pinapayagan ang mga overseas players na bumalik sa kani-kanyang bansa para maglaro sa FIBA-sanctioned events.
Pangungunahan ang pool nina naturalized players Justin Brownlee at Angelo Kouame kasama si Quentin Millora-Brown na kamakailan lamang ay pinayagang maglaro ng FIBA bilang local player.
Kasama rin sina Japeth Aguilar, Scottie Thompson, RJ Abarrientos, June Mar Fajardo, CJ Perez, Calvin Oftana, Chris Newsome, Dwight Ramos, AJ Edu, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Hindi pa rin makalalaro si Kai Sotto na kasalukuyan pang nasa rehabilitasyon para tuluyang gumaling matapos sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury.
