Gilas totodo pa rin sa home game vs Guam


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Solido ang itinarak na panalo ng Gilas Pilipinas kontra Guam sa pagsisimula ng first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Biyernes.

Subalit walang balak magpakampante ang Gilas dahil inaasahang ibubuhos pa rin nito ang buong lakas nito sa oras na muling magkrus ang kanilang landas sa Lunes sa Blue Eagle Gym sa loob ng Ateneo de Manila University.

Mataas ang respeto ng Gilas sa Guam kaya’t mula umpisa hanggang dulo, hindi binitawan ng tropa ang laban para makuha ang matikas na 87-46 pa­nalo sa Calvo Field House.

“The score didn’t indicate it but we have tremendous respect for the Guam team. What they’ve been able to ac­complish in terms of winning in the qualifiers to the (FIBA) Asia Cup, getting into the second round in the Asia Cup, it’s just an amazing feat for them, so I came in with a lot of trepidation,” ani Cone.

Para kay Cone, importante ang panalong ito para mapalakas ang kanilang tsansang makapasok sa FIBA World Cup proper sa 2027.

Nagawang makapalag ng Guam nang maitabla nito ang iskor sa 17-all sa first quarter sa likod ni San Miguel Beer Jericho Cruz na bahagi ng Guam national team.

Subalit iyon na lamang ang nakayanan ng tropa matapos malimitahan si Cruz sa second half dahil sa malagkit na depensang inilatag ni Gilas guard Scottie Thompson.

“Back home, they also play against rival teams, nothing new for Scottie to play against him (Cruz). Jericho was greatly motivated and Scottie was also motivated to play him in the second half,” ani Cone.