Gilas Women gagawa ng kasaysayan kontra Korea


MANILA, Philippines — Susubok sa isa pang kasaysayan ang Gilas Pilipinas women kontra sa South Korea sa knockout semifinal qualification ng 2025 FIBA Women’s Asia Cup Division A ngayon sa Shenzhen Sports Center sa China.

Kagagaling lang ng Nationals sa pagsikwat ng dalawang milestones subalit hindi magpapaawat kahit kontra pa sa paboritong South Koreans sa tapatan nila sa alas-7:30 ng gabi (Manila time).

Aabante sa Final Four ang magwawagi kontra sa world No. 2 at wala pang galos na Australia.

Nakaabot sa puntong ito ang Gilas (2-1) matapos ang 73-70 panalo kontra sa Lebanon para masikwat ang No. 3 seed sa Group B. Sumegunda naman sa Group A ang South Korea sakay ng 2-1 kartada.

Bunsod nito, nakasiguro ng puwesto sa Top 6 ang Gilas para sa tiket sa 2026 FIBA Women’s World Cup Qualifiers at nakaiwas sa relegation match papuntang Division B tampok ang mga kulelat na Lebanon at Indonesia.

Ito ang unang pagka­kataon na nakasali sa World Cup qualifiers ang Gilas women habang na­panatili ang Level 1 status sa lagpas isang dekada na simula nang makaakyat mula sa Division B noon pang 2015.

Subalit gutom pa rin ang mga bataan ni head coach at program director Pat Aquino na magtatangka rin sa kauna-unahang Final Four ticket ng Asia Cup Division 8 tampok ang pinakamagagaling na women’s teams sa kontinente.

“This win represents everything that we’ve been working hard for in the last 10 years or so. We’re glad to be competing and not just staying here in Division A. We still have to improve more,” ani Aquino na sasandal kina Jack Animam, Vanessa de Jesus, Sumayah Sugapong at Naomi Natalie Panganiban.

“And we hope we level up again – soon. Just so proud of the girls. Just happy for the girls. Happy for the federation. Happy for women’s basketball in the Philippines but we have to keep going and improving. That’s the goal of the tea,” dagdag ni Aquino.