MANILA, Philippines — Matagumpay na nasungkit ng Gilas Youth ang korona matapos ilampaso ang Indonesia sa pamamagitan ng 70-40 desisyon sa finals ng FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginanap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Solido ang inilaro ng Gilas Youth na sinimulan ni Gilas playmaker Ethank Tan-Chi na nagpasabog agad ng umaatikabong three-pointer para sa magandang simula ng tropa.
Naglatag agad ng 21-5 bentahe ang Pinoy cagers sa pagtatapos ng first quarter na lumobo pa sa 41-20 kalamangan bago magsimula ang third canto.
Nalimitahan ng Gilas Youth si Indonesia top scorer Benjamin Hernusi sa walong puntos na nagtala ng maasim na 2-of-16 shooting clip.
“I think we played a way, way better defensive game from when we first met them. Now we’re more ready. I told the players, wala tayong bagong gagawin kundi yung ginagawa natin nang last two months sa praktis natin — tama, maayos, mas aggressive, di tayo magkakaproblema,” ani Tenorio.
Nangibabaw para sa Gilas Youth si Jhustin Hallare na nagrehistro ng 13 puntos habang nagdagdag naman si Carl Gabriel De Los Reyes ng 11 puntos at pitong rebounds. Nagsumite si Tan-Chi ng kabuuang siyam na puntos.
Pinangalanan si De Los Reyes bilang tournament Most Valuable Player.
Pasok sa 2025 FIBA U16 Asia Cup ang Gilas Youth kasama ang runner-up Indonesia at third-placer Malaysia.
Gaganapin ang FIBA U16 Asia Cup sa Mongolia.