Gin Kings huhugot ng lakas kay Rosario


MANILA, Philippines —  Kung mayroon mang nadagdag na puwersa sa Barangay Ginebra, ito ay si power forward Troy Rosario.

Mula nang makuha ng Gin Kings ang 6-foot-7 na si Rosario sa free agency ay nagposte ito ng mga averages na 12.8 points, 6.6 rebounds at 1.8 assists.

Isa sa mga susi si Rosario sa pagpasok muli ng Ginebra sa PBA Finals kung saan itinakda ang kanilang rematch ng karibal na TNT Tropang Giga sa Season 49 Commissioner’s Cup.

Magtutuos ang Gin Kings at Tropang Giga sa Game One sa Marso 14 sa MOA Arena sa Pasay City.

Sa 126-99 pagdispatsa ng Ginebra sa NorthPort, ang No. 1 team sa elimination round, sa Game Five ng kanilang semifinals series ay nagkaroon si Rosario ng sprained right ankle sa third quarter.

Mabuti na lamang at may break ang liga bago ang best-of-seven championship showdown ng Gin Kings at ng Tropang Giga.

“May one week pa before Game One. Makaka-recover pa,” pagtiyak ng 33-anyos na dating nag­laro para sa TNT at Blackwater.

Kumpiyansa ang pro­dukto ng National University Bulldogs sa UAAP na makakatulong siya sa pagresbak ng Ginebra sa TNT na nanaig sa huli nilang finals duel sa PBA Governors’ Cup.

Miyembro si Rosario ng Tropang Giga na naghari sa 2021 Philippine Cup bubble sa Bacolor, Pampanga.