Ginang sa taiwan, 6 na taong itinago sa kanilang kuwarto ang bangkay ng anak!


ISANG 75 anyos na ginang sa Taiwan, ang nabistong anim na taon nang itinatago ang bangkay ng kanyang anak sa loob ng airconditioned na kuwarto!

Ayon sa imbestigasyon, ang 53-anyos na anak nito ay namatay anim na taon na ang nakalilipas. Pero sa halip na ipalibing, pinanatili ito sa isang silid kung saan 24/7 na nakabukas ang aircon upang hindi agad mabulok ang katawan.

Upang mapanatiling “preserved” ang bangkay, araw-araw na pinapahiran ito ng langis para mapanatiling buo at hindi matuyo agad.

Ang matandang babae, na kinilala lang bilang “Mrs. Lee,” ay madalang lumabas at bihira ring makipag-usap sa sinuman.

Ayon sa isang local official, ilang beses na silang nagtangkang magsagawa ng “welfare check” sa matanda noong 2024, pero walang sumasagot sa pinto.

Hindi man lang nagkaroon ng ideya ang mga kapitbahay na may kakaibang nangyayari sa loob ng apartment.

“Wala kaming na­amoy na kahit anong masangsang na amoy. Akala talaga namin, mag-isa lang siyang nakatira,” sabi ng isang nagulat na residente.

Natuklasan lamang ang sikreto nang ma-stroke si Mrs. Lee ngayong taon. Dahil dito, hindi na niya nagagawang linisin at alagaan ang bangkay ng anak.

Kasabay pa nito, nagkaproblema siya sa pera at hindi na mabayaran ang kuryente, isang bagay na kritikal dahil ang aircon ang pumipigil sa pagkabulok ng katawan.

Sa desperasyon, lumapit siya sa isang social worker para humingi ng tulong. Dito na niya ipinagtapat ang matagal na niyang tinatagong sikreto.

Agad inireport ng social worker sa mga awtoridad ang ipinagtapat ng matanda. Nang dumating ang mga pulis, tumambad ang isang tuyong bangkay na tila isang “mummy” na nakahiga sa kama.

Ayon sa paunang imbestigasyon, wala namang indikasyon ng foul play o karahasan, pero para matiyak ang tunay na dahilan ng pagkamatay, isinailalim sa autopsy ang bangkay

Ayon sa matanda, bago raw pumanaw ang anak ay sinabi nitong ayaw niyang ipalibing agad. Gusto raw nitong manatili sa loob ng bahay. Bagamat tila mahirap paniwalaan, ito umano ang dahilan kung bakit pinili niyang panatilihin ang katawan ng anak sa loob ng kanyang tahanan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awto­ridad ang kaso.