Gobyerno hindi isosoli ang P60 bilyon ng PhilHealth natin


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

December 15, 2025 | 12:00am

EXECUTIVE Secretary na si Ralph Recto. Hepe na siya ng Gabinete. Mag-oopisina siya sa Malacañang katabi ng sa Presidente. Malimit siya makakabulong kay Bongbong Marcos.

Isa sa mga paksa ay ang P60 bilyon na kinuha ni Recto sa PhilHealth natin nu’ng 2024 bilang Finance Secretary. Malamang hindi na isoli ang malaking halagang ‘yon sa atin.

Winaldas ni Recto ang kalahati ng P60 bilyon natin para simulan ang Panay-Guimaras-Negros Island Bridges. Inamin ‘yan ng Solicitor General sa Korte Suprema.

Pero nagpautang na ang Korea ng $56.6 milyon o P3.2 bilyon para sa proyekto. ‘Yun nga lang ginasta ng admin ang utang para sa ambisyong mag-Prime Minister ng Speaker sa paraang Charter Change. Ginasta rin sa flood works na may 30 percent na kickbacks.

Alam ni Recto ‘yan. Deputy Speaker siya hanggang Dis­yembre 2023 nang ipasa ng Kongreso ang 2024 budget. Tapos naging Finance Secretary siya nu’ng Enero 2024 para isakatuparan ang tiwaling budget.

Winaldas ni Health Sec. Ted Herbosa ang natitirang kala­­hati ng P60 bilyon natin. Ibinayad daw niya sa emergency pandemic pay ng health workers na overdue noon pang 2020.

Mali siya. Pampublikong isyu ang pandemya, hindi health insurance nating mga indibidwal. Dapat pera ng Department of Health ang ipinambayad sa sahod, hindi ang pera natin sa PhilHealth. Pero nag-kutsabahan sila ni Recto.

Isa ‘yan sa mga isyu na binatikos sa pambansang pro­testa nu’ng Sept. 21. Isang araw bago ‘yon, nangako si BBM na isosoli ang P60 bilyon natin sa PhilHealth. Isisingit sa 2026 national budget. Para daw humupa ang galit at madagdagan ang health insurance benefits natin.

Kabulaanan! Suyurin ang buong 2026 pambansang budget. Wala ru’n ang P60 bilyon ng PhilHealth natin.