December 17, 2025 | 12:00am
KAPAG lumalaki ang thyroid gland, tinatawag itong goiter. Mga kababaihan ang nagkakasakit sa thyroid.
Dalawa ang puwedeng maging sakit ng thyroid gland: ang hyperthyroid (sobra sa thyroid hormones) o hypothyroid (kulang sa thyroid hormones).
Kapag hyperthyroid ang pasyente, bumibilis ang kanyang metabolism. Mabilis ang tibok ng puso, nine-nerbiyos, laging pinapawisan, laging naiinitan, at nagtatae. Kung malala na ay lumuluwa rin ang kanilang mga mata. Delikado ito kapag hindi naagapan.
Para malaman kung hyperthyroid, ipa-check ang Free T3, Free T4 at TSH. Nagkakahalaga ito ng P800 sa murang laboratoryo. Kapag mataas ang lebel ng T3 at T4, ibig sabihin ay hyperthyroid ang pasyente.
Madali lang gamutin ang hyperthyroid. Binibigyan sila ng gamot na Methimazole (brand name Tapazole) 5 mg, mula 2 hanggang 4 na tableta sa maghapon. Iniinom ang gamot ng mga 1 taon o lampas pa. Magpa-konsulta sa isang endocrinologist o espesyalista sa thyroid.
Sa kabilang dako, may mga pasyente na hypothyroid. Kabaliktaran naman ang nararamdaman nila. Mabagal ang tibok ng kanilang puso at lagi silang nalalamigan. Mabagal din sila kumilos at mag-isip dahil kulang sila sa thyroid hormones. Sa mga pasyenteng hypothyroid, mababa ang lebel ng kanilang T3 at T4.