October 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sisimulan na ni Carlos Edriel Yulo ang tangkang maduplika ang double gold finish nito sa 2024 Paris Olympics sa paglarga ng finals ng apparatus sa 53rd Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Indonesia Arena sa Jakarta, Indonesia.
Unang sasalang si Yulo sa finals ng paborito nitong men’s floor exercise event kung saan mapapalaban ito sa pitong mahuhusay na gymnasts.
Kabilang na rito si Filipino-British Jake Jarman ng Great Britian na siyang nanguna sa qualifying round matapos magtala ng 14.700 puntos.
Pumangalawa lamang si Yulo sa qualifying bitbit ang 14.566 puntos.
Malayo ang lamang ni Jarman sa difficulty kung saan nagtala ito ng 6.300 puntos kumpara sa 5.900 ni Yulo.
Subalit nakabawi ng bahagya ang Pinoy bet sa execution tangan ang 8.666 puntos laban sa 8.400 puntos ni Jarman.
Kaya naman inaasahang magkakaalaman na sa finals kung sino ang magsisilbing hari ng floor exercise.
Alam ni Yulo na matinding laban ang haharapin nito kaya’t handang-handa na itong makipagsabayan sa mga kapwa world-class gymnasts.
Hahataw din sa finals sina American Kameron Nelson (14.300), Kazakh Milad Karimi (14.133), Japanese Minami Kazuki (14.100), Hungarian Krisztofer Meszaros (13.966), Thai Tikumporn Surintornta at British Luke Whitehouse (13.866).