November 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasapol ng last year’s runner-up De La Salle University ang 87-82 panalo kontra defending champion University of the Philippines kahapon sa UAAP Season 88 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum.
Tumikada si Mike Phillips ng 21 points, 14 rebounds at tig-isang block at steal upang tulungan ang Green Archers na kalsuhan ang kanilang three-game losing streak.
Gumanda ng bahagya ang baraha ng Taft-based squad sa nirehistrong 7-6 kaya nakasiguro sila ng playoff para sa final four spot.
Nanatili sa pangalawang puwesto sa team standings ang Fighting Maroons bitbit ang 10-4 karta, kaya kasama nilang hahakbang sa semifinals ang twice-to-beat advantage.
Nirehistro ni Marasigan ang 17 points, tatlong rebounds at dalawang assists habang tig-14 ang binira nina Abadam at Cortez.
Samantala, humihinga pa ang Far Eastern University sa asam nilang makasampa sa final four matapos nilang kalusin ang University of the East, 84–77 sa unang laro.
Sinuwag ng Tamaraws ang pangalawang sunod na panalo upang mapaganda ng bahagya ang kanilang karta sa 6–7 at saluhan ang Adamson Soaring Falcons sa fifth place.