Pilipino Star Ngayon
August 20, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kumolekta ang Team Philippines ng kabuuang dalawang silver at dalawang bronze medals sa katatapos lamang na 2025 World Games sa Chengdu, China.
Kuntento na si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio sa ipinakita ng mga Pinoy athletes, ngunit umaasang marami pang National Sports Associations (NSAs) ang magku-qualify ng atleta sa susunod na edisyon ng World Games.
“Ako personally, I’m happy with the performance of Team Philippines,” sabi ni Gregorio sa dalawang pilak na medalya nina billiards ace Chezka Centeno sa women’s 10-ball at ju-jitsu Kaila Napolis sa women’s 52-kilogram division.
Nagdagdag ng tig-isang tanso sina wushu artist Carlos Baylon Jr. (men’s sanda 56kg) at sambo bet Aislinn Yap (women’s combat 80kg).
“Nakakapanghinayang lang. Muntikan na sa billiards, kuha na sana iyon. Sana mayroong one gold, one silver, two bronze medals, fantastic showing iyon,” ani Gregorio.
“Pero ganoon talaga ang sports eh. Iyong huling (World) Games sa Birmingham, one gold lang iyon, wala nang iba. So na-achieve na natin iyong dapat ma-achieve,” dagdag ng PSC chief.
Sa pagsabak ng Pinas sa World Games simula noong 1981 ay nakakolekta ang bansa ng dalawang golds, pitong silvers at pitong bronzes.
Ang dalawang ginto ay mula kina billiards master Carlo Biado sa men’s nine-ball singles (2017 Wroclaw) at Fil-Japanese Juna Tsukii sa women’s 50kg kumite (2022 Birmingham).
Umaasa si Gregorio na marami pang Pinoy athletes ang makakapasok sa susunod na World Games sa Karlsruhe, Germany sa 2029 para sa tsansa sa gold medal.