Gregorio makikipagmiting sa DepEd para sa Palaro


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 2, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nakatakdang makipag­pulong ang Philippine Sports Commission (PSC) sa Department of Education (DepEd) para sa layu­ning magkaroon ng ‘tulay’ ang kanilang mga progra­ma.

Ayon kay PSC chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio, kakausapin niya si DepEd Secretary Sonny Angara kaugnay sa taunang Batang Pinoy at Pala­rong Pambansa.

“Isa sa mga pinag-aaralan natin ay iyong talagang representation ng lahat ng age groups para bata pa lang nakikita na natin iyong atleta at tsaka kailangan walang gap between the Batang Pinoy age bracket and Palarong Pambansa age bracket,” ani Gregorio sa programang PSC Hour.

Ang pagkakaroon ng parehong age bracket ng mga student athletes sa Batang Pinoy at Palarong Pambansa ang gustong maplantsa ni Gregorio.

“Ang importante lang naman ay talagang upuan namin ito ng DepEd para makita namin kung anong age group ba tayo magsisimula at anong age group tayo matatapos,” dagdag ng PSC chief.

Matagumpay na nai­daos ang 2025 Palarong Pambansa sa Laoag City at ang Batang Pinoy sa General Santos City.