Pilipino Star Ngayon
November 11, 2025 | 12:00am
MEMPHIS, Tenn. — Humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 35 points, kasama ang isang nine-point outburst sa fourth quarter, para tulungan ang nagdedepensang Oklahoma City Thunder sa 114-100 paggupo sa Grizzlies.
Nakadikit pa ang Memphis (4-7) sa huling apat na minuto ng fourth period nang kumamada si Gilgeous-Alexander ng dalawang sunod na three-pointers at nakumpleto ang isang three-point play para sa double-digit lead ng Oklahoma City (10-1).
Nagdagdag sina Chet Holmgren at Ajay Mitchell ng tig-21 points para sa Thunder na nakahugot kay Isaiah Hartenstein ng 18 points at 13 rebounds.
Pinamunuan ni Jaren Jackson Jr. ang Grizzlies sa kanyang 17 points.
Nalimitahan si Ja Morant sa 11 points mula sa 3-for-18 field goal shooting para sa Memphis na hindi pa nananalo sa defending champions sa 14 beses nilang paghaharap.
Sa Milwaukee, bumanat si Kevin Durant ng 31 points kasama ang tiebreaking basket sa huling 1:42 minuto ng laro sa 122-115 panalo ng Houston Rockets (6-3) sa Bucks (6-4).
Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 37 points at 8 rebounds sa panig ng Milwaukee.
Sa iba pang laro, pinatumba ng Golden State Warriors ang Indiana Pacers, 114-83; tinalo ng Boston Celtics ang Orlando Magic, 111-107; at dinaig ng New York Knicks ang Brooklyn Nets, 134-98.
