Gusto mo manakawan? Humalal ka ng dynast


TATLO sa bawat limang Pilipino – 63 percent – ang nag­sa­sabing mahirap sila. Resulta ‘yan ng Social Weather Stations survey nu’ng katapusan ng 2024. Pinakamalalang sit­was­yon yan nitong nakaraang 21 taon.

Bakit lumalala ang karalitaan sa Pilipinas? Bakit sa ibang bansa paunti nang paunti ang hikahos? Dahil ‘yan sa tat­long kasamaan sa lipunan, anang mga eksperto:

l Korapsyon – Mahigit 20 percent ng pambansang budget ay kinukurakot, ulat ng World Bank. Sa P6.326-trilyong budget nitong 2025, P1.265 trilyon ay nanakawin ng mga politiko at burokrata.

Kutsabahan sa katiwalian ang Ehekutibo at Lehislatura. Nagbabalato ang Kongreso ng bilyun-bilyong pisong con­fidential-intelligence funds sa Pangulo. Kapalit nu’n, nag­lalaan ang Pangulo ng bilyun-bilyon ding pork barrels sa mga kasapakat na senador at kongresista.

l Political dynasties – mahigit isang daang taon nang nakaluklok ang mga dynastiya sa 82 probinsya. Palitan lang sa puwesto ang mga mag-asawa, magkapatid, magulang at anak.

Kontrolado nila ang kabuhayan sa kani-kanilang pro­binsya at lungsod: shopping malls, restoran, hotels, resorts, sinehan, gasolinahan, transportasyong dagat at lupa, pier, construction at hardware supply, at plantasyon.

Bata pa ay sinasanay na sa kurakutan.

l Maduming halalan – ginagamit ng dynasties ang kinu­rakot na pera ng bayan para paulit-ulit mahalal. Pina­nanatili nilang bobo at maralita ang madla, para madaling bilhin ang boto.

Sila-sila na lang imbis tayo-tayo. Hindi ‘yan demo­krasya. ‘Yan ay plutocracy — paghahari ng mga mayayaman.

Matuto na sana tayo. Humalal ng bago, bata, at malinis.